top of page

"O, TAPOS?"

  • Writer: NeonLights
    NeonLights
  • Oct 1, 2025
  • 2 min read

(Hindi pa natatapos ang pag-martsa)


Ika-21 ng Setyembre 2025


Isa na marahil ito sa pinakamahalagang petsa ng taon dahil sa araw na ito, ang taong-bayan mismo ang nagmarka. Sa araw na iyon, sabay-sabay na nagtipon ang libo-libong mamamayan upang isigaw ang kanilang galit, pagkadismaya, at pagtutol sa hindi na makatarungang tugon ng pamahalaan sa kinakaharap na krisis ng bayan. Marami ang dumalo, marami ang nakiisa, marami ang nagpahayag ng kani-kanialng mga damdamin. Ang mga dating hindi estranghero ay biglang nagkakilanlan sa isa't isa. Sa araw na iyon, nagpantay-pantay ang halos lahat ng sektor ng lipunan. Walang artistang nagtatanghal o nagbibigay aliw, walang simbahan na nagmamataas o nagbabanal-banalan—lahat ay iisa ang layunin, at isinisigaw: ang nagkasala’y dapat pagbayarin, ang mga lumabag ay dapat panagutin. Napatunayan sa araw na iyon na pagdating sa usapin ng demokrasya, mamamayan pa rin ang pinakamahalaga. At kapag ang bayan na ang naningil, walang sinuman ang makapipigil.


Ngunit pagkalipas humigit isang linggo, kamusta na kaya ang mga taong ito? Nananatili pa kaya ang kanilang alab sa paghahangad ng hustisya? Sa pagtatapos ng martsa at sa pagbalik ng lahat sa kani-kaniyang buhay, pareho pa rin naman ang gawain ng lahat. Muli na naman silang gigising upang pumasok sa trabaho, magtitiis sa maliit na kita, makikipagsapalaran sa trapik, mag-aalala sa presyo ng bawat delata sa pamilihan, habang ang iba nama’y pipiliin na lang ang matulog upang palipasin ang gutom na nararamdaman.


Totoo, natapos na martsa at bumalik na ang lahat sa nakasanayan. Ngunit huwag nating hayaang mabaon sa limot ang araw na iyon—ang sandaling minsang naging bahagi tayo ng isang makabuluhang paninindigan upang marinig ng nasa kapangyarihan ang tinig ng bayan. Sapagkat hindi nagtatapos sa petsang iyon ang laban; nagsisimula pa lang tayo!


Hindi sapat na nakilahok lamang tayo sa araw na iyon at ituring na tapos na ang ating responsibilidad bilang mamamayan. Hindi ito isang simpleng listahan na kung saan ang hangarin mo lang ay mamarkahan ang iyong papel ng check at pagkatapos ay lilimutin mo na lamang ang lahat. Lalong hindi ito isang pagpapasikat upang may ma-post ka sa iyong social media. Ito ang sandaling kailangang manatili tayong magmasid, makinig, at makialam. Dahil ang magiging kahihinatnan ng kasong ito ang magsisilbing repleksyon sa kung anong klaseng kinabukasan ang ipapamana natin sa susunod na henerasyon. Panatilihin natin ang ating galit lalo na kung ang galit na iyon ang magsisilbing gasolina upang patuloy tayong maghanap ng hustisya. Huwag na tayong magpadala sa mga salitang wala namang kinahihinatnan. Hayaan nating madala tayo ng galit na ito hanggang sa pagdating ng susunod na halalan.


Kaya tama na ang walang pakialam.

Sobra na kung ito ay iyo lamang hahayaan.

Kalabisan na kung ikaw ay patuloy pa ring magmamaang-maangan.


Sa pagkakataong ito, huwag na sana nating hayaang kugon lamang ang magningas.



Photo by: By Russco Gray - Own work, CC0, https://commons.wikimedia.org/w/index.php?curid=175374212
Photo by: By Russco Gray - Own work, CC0, https://commons.wikimedia.org/w/index.php?curid=175374212

Related Posts

Comments


 Subscribe to future posts

©2019 by Neonsreflection. Proudly created with Wix.com

  • facebook
  • Instagram
bottom of page