"TINDIG"
- NeonLights

- May 12, 2022
- 2 min read
Updated: Aug 18, 2025
(isang mahigpit na yakap)
Oo. Kakampink ako
At tama kayo, umiiyak pa rin ang aking damdamin.
Hindi sa pagkatalo, kundi para sa inaasam sana na pag-asa.
Nalulungkot pa rin ako dahil kahit sa kabila ng lahat ng salita at pagpapahayag ng pagmamahal ay hindi pa rin pala ito sapat upang maging rosas ang bukas.
Kasama ako sa tumindig, nanalig, naniwala, nakitaas ng watawat.
Nakita ang tunay na pagmamahal at serbisyo sa mga taong kahit di kakilala ay tinuring na kapamilya.
Nakikanta sa bawat liriko ng awit ng pag-ibig.
Nakiluha sa bawat kuwento, Nakisaya ng husto.
Kaya hanggang ngayon, dama ko pa rin ito.
Sa sandaling ito, apat na araw na ang nakakalipas...
Apat na araw mula noong initiman ang bilog katapat ng pangalang Leni sa balota.
Ang araw kung saan sa wakas, natawag ko na ang sarili ko na isang "botante"
Unang beses bumoto, unang beses nagamit ang kapangyarihan para sa pagbabago.
Pero hindi tumugma ang pinaka-ninanais kumpara sa karamihan.
Hindi ko maintindihan, saan pa ba nagkulang?
Ngunit sa totoo lang, ayoko na ring isipin pa.
Hayaan ko na lang ang sarili na damhin ang lungkot na ito kahit sa panandalian.
Hanggang sa narinig ko ang kanyang panawagan.
Hindi ko sya masisisi kung salita ng paglugmok ang aking maririnig.
Sa kabila ng kabiguan sa kanyang mga mata, salita pa rin ng pag-asa at katapangan ang aking nakita.
"Walang nasayang… Nagsisimula pa lamang tayo… May kilusang isinilang at hindi ito papanaw sa pagtatapos ng bilangan. Ang namulat, di na muling pipikit." - Leni Robredo
WALANG NASAYANG.
Dahil ang totoong nagmamahal, mas inuuna ang kapakanan ng iba.
Ibinibigay ang buo na walang kapalit. Dahil ang totoong pagmamahal, nananatili. Umaapaw. Ipinapalaganap sa karamihan - hindi basta-basta nauubos.
Kailanman, ay hindi mababago ng mga numero ang kanyang mga nagawa.. Hindi mabubura ng eleksyon na ito ang puso nya sa paglilingkod. Hindi mababalewala ang katotohanan na sa kabila ng batikos, hindi pagbibigay ng tamang pagkilala at sapat na pondo, ay hindi ito naging hadlang upang magawa ang kanyang pagsisilbi sa mga nangangailangan.
Sa aspetong yun, alam ko na hindi nasayang ang aking boto.
Marahil masabi ng iba na nalanta na ang rosas. Ngunit mas naniniwala ako na malanta man ito, merong paring uusbong na panibagong titindig at magpapatuloy nang nasimulan na.
Hindi ko man pinili ang pula, pinipili ko pa rin maging Pilipino. At bilang pilipino, gagawin ko pa rin ang aking makakaya para tulungan ang nakaupo sa mensahe nila ng pagkakaisa. Hindi dahil lamang sa sinabi nila, kundi iyon ang nararapat.
Salamat Ma'am Leni Robredo, dahil sayo pinatunayan mo na kahit sa sandaling panahon ay minulat mo ko na posible pala magkaroon ng isang tao sa pamahalaan na kayang pagkatiwalaan. Mananatili po kayong inspirasyon sa amin. Patuloy pa rin po ang aming suporta at kakapit pa rin na sa bandang huli, liwanag pa rin ang mananaig.





Comments