top of page

"Green Bones" [2024]

  • Writer: NeonLights
    NeonLights
  • Dec 27, 2024
  • 2 min read

Updated: Dec 14, 2025

Film

Dennis Trillo, Ruru Madrid,

Michael de Mesa, Alessandra de Rossi

Written by: Ricky Lee and

Angeli “Anj” Atienza

Directed by: Zig Dulay

GMA Pictures, GMA Public Affairs

Brightburn Entertainment

==========

MARKA: ⭐⭐⭐⭐ / 5

==========

WARNING: SPOILERS!



BUOD:

Isang kilalang mamamatay-tao ang nakatakdang palayain mula sa bilangguan. Isang bagong opisyal ng bilangguan ang determinadong panatilihin siyang nakakulong sa anumang paraan, sa kabila ng kawalan ng legal na batayan. Tinalakay nito ang tunggalian sa pagitan ng hustisya, personal na paghihiganti, at moral na hangganan.



Ramdam na agad ang bigat ng eksena sa unang bahagi pa lang ng pelikula. Mapapansin na talagang ginastusan ang setting ng pelikula at tunay na pinag-isipan ang paraan ng paglalahad sa kwento. Sa unang bahagi, naitawid agad sa mga manonood ang layunin ng karakter ni Ruru Madrid bilang Xavier Gonzaga. Malinaw ang hangarin ng kanyang karakter at alam mong gagawin nya ang lahat, matupad lamang ito. Si Dennis Trillo naman bilang Domingo Zamora, ay nakapagbigay ng nakakahangang pagganap. Maayos ang execution ng pagbabago ng kanyang karakter mula sa pinanggalingan nito hanggang sa kung paano sya humatong sa ganitong sitwasyon. Kapani-paniwala ang bawat galaw ng bida kaya tumutok ako agad sa paglalakbay nila sa kwento.


Nakumbinsi din naman ako sap ag-arte ng ilan sa mga supporting characters tulad nina Alessandra de Rossi, Iza Calzado at Wendell Ramos.


Nakakahanga rin ang cinematography ng pelikula. Bawat shots ay nakakamangha at epektibo. Pagdating naman sa voiceovers, maayos, malinaw at ramdam ko ang emosyon sa bawat salitang nababanggit lalo na sa paraan ng paglalahad ng karakter ni Domingo Zamora. Kaya sa pagitan ng dalawa, sya ang mas nakaka-angat sa aspetong ito.


Nakakapukaw naman ng emosyon ang paglapat ng musika ng SB19 na “Nyebe”. Para sa akin, tumugma ang mensahe ng kanta sa pinagdaanan ni Domingo at naitugma ng produksyon yung kanta sa mahahalagang eksena sa pelikula. Nagustuhan ko na hindi ito paulit-ulit na pinapatugtog. Karamihan nga ay umpisa lamang ng musika ang ginamit ngunit malakas agad ang naging epekto nito.


Isa na marahil sa nagustuhan ko sa pelikula ay ang paraan ng pagpapakita ng nakaraan o ng backstory ng karakter ng dalawang lalaking bida. Ang husay ng paraan ng pagsasalamin nito pinanggalingan nila.


Kaunting kritisismo lang kay Ruru Madrid kung inyong mamarapatin. Para sa akin, kulang pa si Ruru pagdating sa facial expressions. Kailangan ko pa maramdaman ang emosyon na galing sa kanya may linya man o wala.


Marahil ay madalas nyo ng marinig ang mga katagang “Hindi lahat ng nakakulong ay may kasalanan.” Minsan nga masasabi mong gasgas na ito, pero dahil sa pelikula mas nabigyan pa ito ng diin. Hindi tayo dapat manghusga agad lalo na kung hindi natin binibigyan ang pagkakataon na mas kilalanin ang bawat isa.


Kung meron man akong natutunan sa pagpanood ko ng “Green Bones” ito ay ang huwag magpabulag sa galit at pagpapatawad sa sarili. Minsan may mga bagay tayong nagagawa dahil sa tayo na nadadala ng labis na galit, na kahit na sa tingin natin, tama ang ginagawa natin pero kung titingnan ay marami na pala ang naaapektuhan. Sa pagnanais natin na makapaghiganti, tayo na mismo ang nagkukulong sa ating sariling galit. Kailangan dumating tayo sa punto na mapatawad natin ang ating sarili. Sa mga pagkakataon na tayo ay nagkulang o naging sanhi ng kapahamakan ng iba, dahil naniniwala ako na ang tunay na pagtanggap at kapatawan ang tunay na makakapagpalaya sa atin.





Comments


 Subscribe to future posts

©2019 by Neonsreflection. Proudly created with Wix.com

  • facebook
  • Instagram
bottom of page