top of page

"And The Breadwinner Is..." [2024]

  • Writer: NeonLights
    NeonLights
  • Dec 27, 2024
  • 3 min read

Updated: Dec 14, 2025

Film

Vice Ganda, Eugene Domingo

Jhong Hilario, Gladys Reyes

Written by: Daisy G. Cayanan, Jumbo A. Albano, and Jun Robles Lana

Directed by: Jun Robles Lana

ABS-CBN Studios, IdeaFirst Company

==========

RATING: ⭐⭐.5 / 5

==========

NO SPOILERS

==========



BUOD:

Isang pelikulang nakatuon sa isang breadwinner at sa kanyang pamilya, na nagsisilbing pagpupugay sa mga tahimik na bayani na pasan sa kanilang mga balikat ang bigat ng mga pangarap ng kanilang mga mahal sa buhay.



Kung ikaw ay matagal ng nanonood ng pelikula ni Vice, hindi ka maninibago sa kanyang bagong proyekto na ito. Nandito pa rin yung mga hirit nya na lagi mo na ring nakikita sa kanya sa Showtime o sa mga pagtatanghal nya sa konsyerto o entablado kasama sina MC at Lassy. Matutuwa ka pa rin sa mga patawa nya kahit na mas tone down ang atake nya dito. Ngunit bilang isang manonood, inaamin ko na umasa ako na may kakaibang Vice akong makikita, ngunit sa kahuli-hulihan, sya pa rin ang aking natanaw. Hindi naman ito masama kung tutuusin, ngunit dahil inatasan sya na gumanap ng isang katauhan sa isang kwento, hindi ba’t mas mainam na ang karakter nya ang ating makita?


Bago ko simulan ang lahat, uunahan ko na ang pagsabi na hindi ako tagasubaybay ni Vice sa kanyang mga pelikula. Oo, natatawa ako sa kanyang mga hirit kapag nakikipagkulitan sya sa mga kasama nya sa Showtime pero ibang usapan na kapag may nakasalang-alang ng layunin na dapat gampanan. Sa pagpapakita ng mga trailers ng mga pelikula ngayong MMFF, wala namang talaga akong plano na isama ang “And The Breadwinner Is” sa aking listahan ngunit nagbago ako ng desisyon nung nalaman ko na ibang Vice Ganda raw ang aking makikita. Bentahe ng produksyon ang kauna-unahang pagpasok ni Vice sa larangan ng drama kasama ang ilan sa mga artistang subok na sa ganitong tema.


Sa totoo lang, sa kabila ng bentaheng iyan, hindi ko pa ring isinasangtabi ang reyalidad na si Vice ay unang naging komedyante, kaya hindi ako masyadong umaasa na makakapagbigay sya ng nakakaiyak na pagganap pero bukas ako sa kung ano ang kaya nyang ihain.


Sa aking opinyon, hindi naging consistent ang karakter ni Bambi Salvador sa kwento. Sa umpisa, naramdaman ko ng kaunti yung lalim ng kanyang katauhan ngunit habang tumatagal, unti-unti kong nakikita muli si Vice at hindi na si Bambi. Nakakalungkot lang din na ito sana ang oportunidad para kay Vice na makapagbigay ng bagong paraan sa pagpapatawa, ngunit tila hindi na talaga mawawala ang mga sekswal na innuendo sa kanyang repertoire.


Pagdating sa ibang mga karakter, maaasahan talaga si Gladys Reyes at Jhong Hilario sa drama. Si MC at Lassy naman, kahit alam mo nang sila ang nakatoka sa katatawanan, nakapagbigay pa rin sila ng ibang atake. Mas naging natural sila dito, mas may puso kumbaga. Sa kabilang banda, kung isasangtabi muna ang naging malaking eskandalo na kinabibilangan nina Anthony Jennings at Maris Racal, nakadagdag naman sila sa takbo ng kwento. Mas angat lang para sa akin ang pagganap ni Anthony kaysa kay Maris. Natural at consistent naman ang pag-arte ni Malou de Guzman bilang ina. May mga sandali na kahit hindi nakatuon ang camera sa kanya, hindi sya bumibitaw sa kanyang karakter. Isang bagay na personal ko ring natutunan sa kanya.


Kung aking titingnang mabuti ang pelikula sa kabuuan, karamihan sa mga eksena ay "dragging". Masyadong mahaba para sa akin ang tinagal ng ilang mga "sequences" kaya yung emosyon na pinadama sa akin ay lumaylay. Ngunit kung ako ay tatanungin, kung naibigay ba nya yung madamdaming eksena sa pelikula, ang masasabi ko ay oo. Subalit dahil nga humaba ito ng humaba, na di naman kailangan, hindi na rin sya naging epektibo.


Wala akong makokomento sa paraan ng pag-iilaw at anggulo ng kamera na ginamit. Tama ang timpla at ang “mood” ng pelikula.


Pagdating sa musika, kahit na masugid na tagahanga ako ng SB19, hindi ko talaga maitatanggi na hindi talaga akma ang "MAPA" sa kabuuan ng pelikula. Habang ang ipinahihiwatig ng kanta ay sa pagitan ng isang anak at kanyang magulang, ang pelikula naman ay mas nakatuon sa di pagkakaunawaan ng mga magkakapatid, kaya medyo hindi ito nagtutugma. Ang dating nga sa akin ay para bang "pilit" lamang na ipasok ang “MAPA” sa kwento.


Sa kabila man ng lahat ng nabanggit, hindi ko namang masasabi na sayang ang oras na aking ginugol sa "And The Breadwinner Is..". Kahit papano ay naipakita naman nya yung pinagdadaanan ng isang breadwinner. Sa kabila ng pagiging breadwinner, hindi ito lisensya upang mas maging mapagmataas ka o lalo pang palalimin yung sugat sa pamilya. Sa kabilang banda, hindi rin porket na ikaw yung miyembro ng pamilya na tinutustusan ay wala ka ng silbi o kontribusyon para mapabuti ang inyong kalagayan. Kwento man ito ng isang breadwinner, kwento rin ito ng pinagdadaanan ng magkakapatid - ang sugat na naidulot sa bawat isa at ang bawat paghakbang sa paghilom sa sakit na iyon. At kung ito ay nakarating sa manonood, sapat na itong dahilan para subukan nyo itong panoorin.




Comments


 Subscribe to future posts

©2019 by Neonsreflection. Proudly created with Wix.com

  • facebook
  • Instagram
bottom of page