top of page

"PAGSUSURI"

  • Writer: NeonLights
    NeonLights
  • Dec 1, 2024
  • 4 min read

Updated: Aug 18, 2025

(sariling mga gabay sa pagsusuri sa bawat palabas na aking mapapanuod, ito man ay sa sinehan, telebisyon o entablado)



Whew, grabe! ilang araw na lang ay magpapasko na! Maglalabasan muli ang mga magagandang dekorasyon, mga kantang magpapaalala sa tunay na kahalagahan ng okasyong ito at ang mga malinamnam na handa sa mesa.


Andyan din ang mga palaro, kabi-kabilang Christmas Parties at iba't ibang mga plano na matagal ng nakabinbin.


Naging parte na rin ng kultura nating mga Pinoy ang panonood ng mga pelikula na kalahok sa taunang MMFF o Metro Manila Film Fest. Magpapaligsahan muli ang mga ito na mayroong iba't ibang tema, na maaari nating ikatawa, ikaiyak o ikatakot.


Bilang isang indibidwal na passion ang panonood ng mga palabas, ito man ay sa sinehan, telebisyon o entablado, nakaugalian ko nang magbigay ng aking mga opinyon tungkol sa mga ito na maaari nyo namang pag-sang ayunan o hindi.


Matagal ko na rin namang ginagawa ito at marahil nakabasa na rin kayo sa ilan sa aking mga nakaraang reviews sa facebook o sa blog na ito.


Ngunit sa puntong ito, nais ko maging mas organisado, mas detalyado at mas maayos ang aking pag analisa. Kaya gumawa ako ng ilan sa mga kategorya na aking susundin, karamihan dito ay mga katanungan na magsisilbing gabay sa aking pagsusulat ng mga reviews.


Pwede nyo ring gamitin ito sa pagsusulat nang inyong sariling pag-aanalisa.


Ito ay ang mga sumusunod:


==========


PAG GANAP (Characterization)

Dito ko susuriin kung paano ako naapektuhan ng mga karakter sa kwento at sa mga artistang nagsiganap. Ilan sa mga katanungan ay -


  • Epektibo ba ang kanilang pagpapakita ng karakter?

  • Napaniwala ba nila ako sa bawat emosyon na kanilang ipinapalabas?

  • Nahusayan ba ako sa kanilang pag ganap?

  • Paano napakita ang naging interaksyon ng bawat karakter sa isa't isa?

  • Makatarungan ba ang naging desisyon nila sa pagkuha ng kanilang mga artista o meron bang mas karapat-dapat na gumanap sa naturang papel?



DALOY (Flow of the Story)

Tatalakayin ko naman dito ang kabuuang daloy ng istorya


  • Naipahayag ba ang kabuuang tema ng palabas?

  • Meron bang mga aspeto sa palabas na sa tingin ko ay hindi kumpleto? Nagkulang ba ang produksyon sa kanilang paglalahad?

  • Tama ba ang continuity sa kwento?

  • Maayos ba ang mga binitawang linya ng bawat karakter?

  • May mga terminolohiya ba na nabanggit na parang hindi na akma sa panahon ngayon o may mga salita ba na kailangan pang ipaliwanag dahil mas nakakarami ang hindi pa alam sa salitang iyon?



TEKNIKAL (Technical Elements)

Dito ko naman titingnan ang teknikal na aspeto ng palabas.


  • Maayos ba ang anggulo ng kamera? (ang pagkuha sa mga tauhan, sa interior at exterior shots, naging maalog ba ang pagkuha o nakulangan ba ito sa variations?)

  • Maayos ba ang "ilaw"? (kasama dito ang color grading at kung nakatulong ba sa overall "feels" o "mood" ang settings na ginamit)

  • Tama lamang ba ang pag-edit? (Hindi ba ito biglaan o nakakalito? Meron bang parte sa palabas na pwede namang hindi na isama o mga eksena na dapat sana ay pinakita?)

  • Akma ba ang musika sa istorya? (masyado ba itong malakas?, rinig ba ang bawat linya ng mga karakter?)



EPEKTO (Overall Impact)

Pagtingin sa istorya sa kabuuan nito pagkatapos isaalang-alang ang positibo at ang mga bagay na kailangan pang paghusayan ng produksyon.


  • Ano ang naging epekto nito sa akin?

  • Meron bang leksyon akong babaunin paglabas ng sinehan, ng teatro o sa pagpatay ng telebisyon?

  • Meron ba akong mga sariling pananaw na nabago, mga paksa na nagpamulat sa akin o mas napagtibay pa nito ang aking mga pinaniniwalaan sa buhay?

  • Sino ba sa aking tingin ang mas makakaroon ng koneksyon sa palabas?

  • Makakabuti ba ito na mas mapanood ng mga kabataan o nangangailangan ba ng mga manonood ng mas malawak na isipan o pagtanggap?


==========


(PAALAALA:

Ako lamang ay isang karaniwang indibidwal na nais lamang magbahagi ng aking saloobin sa aking mga napanuod. Uulitin ko muli na maaari naman kayong sumang-ayon o hindi sa aking reviews. Hindi ako nagpakadalubhasa sa paksa na ito at ito lamang ay aking pananaw bilang isang tagahanga ng lokal na aliwan. Lahat tayo may kanya-kanyang intepretasyon sa pagtingin o pagsuri sa lahat ng ating pinapanuod.)



Pagkatapos suriin ang lahat ng mga nabanggit na kategorya, tsaka ko naman sasagutin ang mga pangkalahatang katanungan na -



Ito ba ay panonoorin ko ulit?

Mairerekomenda ko ba ito na panuorin ng mga tao, o mas mainam na abangan na lamang ito sa mga streaming platforms?




Maglalagay din ako ng panghuling rating o marka sa palabas.


⭐⭐⭐⭐⭐ - WAG NA WAG MO ITONG PAPALAMPASIN!

⭐⭐⭐⭐ - Kailangan mong isingit ito sa schedule mo.

⭐⭐⭐ - Pwede na rin, hindi na masama.

⭐⭐ - Ok lang na miss mo ito.

⭐ - Balik ka na lang sa trabaho. Sayang pera.



Naku, mas lalo tuloy akong na-excite sa paparating na MMFF! Pero huwag nating kakalimutan na higit pa sa mga pelikulang papanuorin sa darating na Pasko, ay ang saya sa mga sandaling makakasama mo ang iyong mga mahal sa buhay, pamilya man, barkada o ang iyong kasintahan.


Isang Mapayapa at Maligayang Pasko sa ating lahat!


List of MMFF Movies 2024





Comments


 Subscribe to future posts

©2019 by Neonsreflection. Proudly created with Wix.com

  • facebook
  • Instagram
bottom of page