"Ang Higpit na Nagtuwid"
- NeonLights

- Jul 10, 2025
- 4 min read
Updated: Aug 21, 2025
(Sa bawat higpit ng guro ay may layuning magtuwid, ngunit sa panahong bawal nang masabihan, sino pa ang hahasa sa tibay ng kabataan?)
Marami na akong tsismis na narinig tungkol sa kanya. "Mababa daw magbigay ng grade," sabi ng ilan. Hindi namamansin, hindi nagbibigay ng palugit. Mataas ang pamantayan pagdating sa klase, lalo na kapag may reporting.
Noong una, inamin ko, natakot din ako. Sinubukan kong balikan ang listahan ng mga subjects na kailangan kong kunin sa susunod na semester. Ayun nga, nakita ko ang ECONOMICS. Kinabahan ako dahil malamang sa malamang, siya ang propesor na tatapat sa klaseng ito.
Kaya noong dumating ang araw na iyon, inihanda ko na ang aking sarili. Hindi ako mangungulit o magpapatawa, bibigyan ko talaga ng pagpapahalaga ang klase niya. Sino ba naman ang gustong umulit sa klaseng ito lalo na kung alam mong siya ulit ang makakaharap mo?

Sa ilang saglit lamang ay dumating siya. Nakasalamin, nakalugay ang buhok, taas-noong pumasok sa silid-aralan na may hawak na mga folder. Sa unang tingin pa lang ay alam mong ayaw niya ng pasikot-sikot na usapan. Ang maingay na silid ay mistulang naging library sa katahimikan. Ibinaba ang hawak at inilabas ang mga class cards. Isa-isang binigkas ang mga pangalan at sa bawat pagbigkas na iyon, maririnig mo ang accent na tila ba’y nanggaling pa siya sa ibang bansa.
Pagkatapos noon, ipinakilala na niya ang tungkol sa paksang pag-aaralan at kung ano ang mga inaasahan niya sa amin. Sa bawat salita, bawat kilos, bawat tingin ko sa kanya, alam mong malaki ang hinihingi niyang pagsisikap mula sa amin. Napalunok na lamang ako. Marami akong naisip — tatakasan ko ba ang subject na ito? Uulitin ko na lang ba? Mga tanong na, sa sking pagbabalik-tanaw, pinagpapasalamatan kong hindi ko ginawa.
Sa paglipas ng mga araw at linggo, napansin ko na lamang na unti-unti akong nagkakainteres sa subject na ito. Ang Law of Supply and Demand na binabalewala ko lang noon ay unti-unti kong naunawaan. Ang dami kong nabuong mga ideya at tanong na hindi ko akalaing pagbibigyan ko pa ng pansin. Di naglaon, nakita ko na lamang ang sariling sabik na pumasok kapag alam kong makikita ko siyang muli.

Hanggang sa dumating ang araw na pinag-grupo kami at binigyan ng paksa para sa reporting. “Heto na!” ang tanging mga salitang aking nasambit. Sa aming tatlo, ako ang itinalagang mamuno. Pero sa mga oras na ‘yon, imbes na manginig sa takot o kaba, mas nagpursige ako. Nag-aral nang mabuti, naghanap pa ng iba’t ibang mga resources sa library para magdagdag ng impormasyon, at bumuo ng mga halimbawa para sa bawat paliwanag na aking sasabihin. Inaamin ko, andoon pa rin ang kabog sa dibdib ko, pero mas nangibabaw ang kagustuhang makapag-presenta ng magandang output.
Nagsimula na ang unang grupo sa pagre-report. Mahina ang boses, bukas ang libro, at sa simula pa lang, alam mong kulang sa paghahanda. Sa bawat minutong lumilipas, palihim akong tumitingin sa kanya upang basahin ang kanyang reaksyon. Wala akong nakita. Nakatutok lang siya sa nagsasalita at sa sinasabi nila. Ilang saglit pa’y natapos na ang unang grupo. Walang pumalakpak, walang ngumiti. Lahat ay nakaabang sa susunod na sasabihin ng aming propesor.
Nagsimula na ang tanungan. Sa unang mga tanong, nasagot naman ito ng grupo. Ngunit nang nag-follow-up question si Mrs. Aragon, hindi na sila nakasagot. Puro “hmm...” at “uhm...” na lang ang maririnig. Sa puntong iyon, alam mong dismayado na siya sa kanyang nakikita. Nang makita niyang wala nang patutunguhan ang kanyang mga tanong, siya na ang nagtapos ng report ng grupo.
Istrikta siya, pero hindi siya naninigaw. Hindi mo siya mahuhuling namamahiya. Pero alam mo, at higit sa lahat, ramdam mo, na nabigo mo siya. Ang kanyang pananahimik ang siyang pag-iingay ng boses sa aking isipan.
Hindi ko alam kung dahil ba sa personalidad kong ito, pero sa pagdaan ng ibang grupo, kung ako ang tatanungin, wala pa akong nakikitang pangkat na tunay na nakapaghanda para sa kanya. Kaya hinamon ko ang sarili ko, at inihanda ko rin ang aking mga kasama.
“Dapat galingan natin. Kaya natin ’to!”

Suot ang aming mga business attire, isa-isa kaming nagprisenta sa harap niya. Kahit may kaba, nagpatuloy ako sa pagsasalita. Bawat anggulo, bawat paksa — maging ang mga ideyang hindi nakasulat sa aklat ay nabanggit ko. Sa likod ng bawat salitang binibigkas ko ay ang tahimik na pag-aabang
“Paano kung magtanong siya ng wala sa nabasa ko?”
“Paano kung puro dakdak lang ako pero kulang naman sa laman?”
“Kailan ba ito matatapos?.”
Sa aking pagwawakas, doon siya nakapagtanong — at sa kabutihang palad, nasagot ko naman ito. Nahirapan man nang kaunti sa pagpapaliwanag dahil Ingles ang wika na aming ginagamit, naitawid ko pa rin lahat. Bumalik kaming tatlo sa aming upuan at nakahinga nang maayos. Kahit wala akong nakitang reaksiyon sa mukha niya kung natuwa ba siya o hindi, ang mahalaga ginawa namin ang makakaya namin.
Tunay ngang mas marami kang matututuhan sa isang istriktong guro. Dahil sa mga tulad niya, mas naging tutok ako sa bawat sinasabi at tinatalakay nya sa klase. At habang tumatagal, mas lalo kong naiintindihan at nabibigyan ng importansya ang aming subject.
Dahil sa kanya, natutunan kong huwag maging pabara-bara sa paggawa ng report o assignment. Siya ang unang nagpakita sa akin na sa bawat gawa mo, hindi pwede ang “pwede na.” Kung may maitutodo pa — itodo mo! Kung pwede pang pagandahin ang isang output, ibuhos mo na lahat.
Sa ilang buwan naming magkakasama, unti-unti niya kaming inihahanda sa mga hamon ng totoong buhay. Ipinaparamdam niyang ang istriktong pagtuturo ay wala pa sa kalahati ng mga pagsubok na kakaharapin namin sa labas ng paaralan. Dahil sa dulo ng lahat ng ito, hindi naman siya ang makikinabang — kundi kami.
#BuhayEstudyante #KwentoNgKlase #AralSaBuhay #Disiplina #SipagAtTiyaga #HuwagSusuko #GuroAtMagaaral #MatutoAtMagtagumpay #LabanLang #InspirasyonSaKlase #KwentoNgTagumpay #HustleNgPinoy #MotibasyonSaBuhay #Pagsisikap #TunayNaAral





Comments