top of page

"YAKAP"

  • Writer: NeonLights
    NeonLights
  • Mar 11, 2020
  • 3 min read

Updated: Mar 12, 2020

NAGISING AKO. Nagising na naman ako. Isang hindi inaasahang paggising sa mundo na pinilit ko nang lisanin. Sa aking paglingon mapapansin ang ilang bote ng serbesa na nakakalat sa sahig. Mukhang imbis na makatulong sa paglimot, nagdulot lamang ito ng sakit sa ulo. Sa pagpungas ng mga mata ay tumayo ako upang lumabas ng kuwarto. Binuksan ang pinto, sumilip sa bintana. Sa sinag ng araw, aakalain mong naiilawan nito ang lahat ng sulok na kanyang natatamaan. Ngunit hindi nito alam na may isang bahagi ang hindi niya nasisilayan. At iyon ay ang pusong naligaw na sa dilim ng ulap ng kasalanan.


Lumabas ako ng bahay upang alamin kung mayroon bang pagbabago sa aking nakagisnan. Tingin sa kaliwa, sa kanan, sa harap at sa likuran. Ngunit ganoon parin ang aking nakita. Mga ngiti at kasiyahan na hindi ko na nakikilala.


Hanggang sa napansin ko na lamang na dinala ako ng aking mga paa sa isang gusali na karaniwang puno ng tao tuwing sumasapit ang araw ng Linggo.


Sa aking pagpasok sa dalawang arkong pintuan na gawa sa kahoy makikita ang isang pamilyar na landas na karaniwang dinaraanan ng mga tao kada linggo. Mahaba, malawak ngunit kailangang daanan ng may paggalang at respeto. Sa isang antanda ng krus sa sarili pagkatapos isawsaw ng bahagya sa bana na tubig,aking inilapat ang kanang tuhod sa sahig. Sa magkabilang gilid ng istrukturang ito, mapapansin ang mga makukulay na salamin na may iba't ibang imahe na mabubuhay lamang sa tuwing bibisita ang liwanag ng umaga. Sa iyong pagtitig ay maaaninag ang mga kuwentong hango sa mga totoong pangyayari na naganap humigit sa dalawang libong taon na nakalipas.


Sa tuwing ako ay napapadpad sa mga lugar tulad nito, nag-iiba lagi ang aking pakiramdam. Sa hindi maipaliwanag na kadahilanan, ang bigat at puwersa ng mundo ay tila naglalaho. Kasabay ng pag aliwalas ng aking mukha ay ang dahan-dahang paggaan ng aking dibdib.

Sa ilang sandali, aking narinig ang pag eensayo ng ilang mga kabataan para sa magaganap na pagtitipon. Ang mga tunog na lumalabas sa kanilang mga labi na umaalingawngaw sa buong gusali ay napakaganda sa pandinig. Sa aking pagpikit pumasok sa isipan ang isang imahe ng lugar na kung saan walang bahid ng kasalanan. Isang lugar na napupuno ng ngiti at kagalakan. Walang kakulangan, walang kasamaan.


Habang ninanamnam ang sandali, Siya ay aking nakita. Isang lalaki na nagmamay-ari ng sanlibutan. Isang lalaki na nag sakripisyo para sa kapakanan ng lahat. Ang taong unang kumilala, unang lumikha, at unang nagmahal.


Nais kong lumapit sa kanya ngunit aking naalala lahat ng aking maling nagawa. Mga pangakong binitawan na hindi ko ring napanindigan. Mga pagbabagong hindi ko ring natagalan. Napuno ako ng kahihiyan, awa at pagtatanong kung karapat-dapat pa ba akong tawagin Niyang anak.



Sa gitna ng pagsisisi at pagaalinlangan, isang tinig ang aking narinig. Isang napakatamis na tinig na binabanggit ang aking pangalan. At sa aking pagtugon muli kong nakita ang maamo Niyang mukha. Ako ay kanyang inanyayahan na lumapit sa Kanya at tanging boses lamang Niya ang dapat pakinggan. Sa bawat hakbang na aking nagagawa, unti-unti kong tinatanggal sa aking isipan ang mga bagay na nagpapahina ng aking loob. Mga nakaraang gusto nang kalimutan. At nang ako ay umabot na sa Kanyang harapan, natagpuan ko na lamang ang aking sarili nawala sa Kanyang mga yakap. Mahigpit na mga bisig na puno ng pagpapatawad.


Umagos ang aking mga luha ng hindi ko namamalayan. Sa aking pagtahan naramdaman ko ang pagmamahal na hindi ko kailanman naranasan. Pagmamahal na totoo. Pag-ibig na ganap.


Sa aking pagmulat, bumalik ako sa aking kinaroroonan. Pinunasan ang mga luhang matagal nang kumawala sa aking mga mata. Ngumiti. Nanalangin. Nagpasalamat. At sa isang iglap, nanumbalik muli ang pag-asam ng panibagong bukas. Isang simula na hindi lamang para gumawa ng bagong kinabukasan kundi matanggap na ang mga sakit ng kahapon ay naganap ng dahil sa maling kaisipan. At sa aking paglisan sa simbahang iyon, muli akong lumingon sa Panginoong nagbigay ng tagumpay at saya, grasya at bagong pag-asa.



Comments


 Subscribe to future posts

©2019 by Neonsreflection. Proudly created with Wix.com

  • facebook
  • Instagram
bottom of page