"MET"
- NeonLights

- Feb 24
- 3 min read
(aking pagkilala sa naging sentro ng sining sa bansa)

Noong ika-14 ng Pebrero, habang abala ang lahat sa pagdiriwang ng Araw ng mga Puso, nagkaroon ako ng pambihirang pagkakataon na mag-libot sa loob ng Metropolitan Theater. Ito ay inorganisa ng mismong namamahala ng MET na ginaganap tuwing ikatlong linggo ng buwan. Para sa akin, isa itong espesyal na oportunidad dahil bilang isang tagahanga sa sining ng teatro, hindi ko lamang malilibot ang buong gusali ng MET kundi makikilala ko rin ito ng mas malalim sa pamamagitan ng kasaysayan at mga kwentong nakatago dito.
Nagsimula ang aming paglilibot sa isang maikling video presentation na naglalahad ng maiksing kasaysayan ng MET. Mula sa panahong ito ay dinisenyo ni Juan Arellano, hanggang sa ito ay naitatag, at matagumpay na pagtatanghal ng mga unang palabas na dito tulad ng mga drama, bodabil, at konsiyerto. Naipakita rin sa video ang malagim na pangyayaring muntik nang naging sanhi ng tuluyan nitong paglaho, at ang ilang taong paglimot sa kanya ng panahon. Ngunit sa kabila ng lahat, naging matatag pa rin ang MET at muling nakabangon, nagkaroon man ng bagong bihis, hindi pa rin ito lumayo sa orihinal nitong architectural design na Art Deco.
Pagkatapos nito, nagsimula na ang pormal na pag-ikot namin. Hinati kami sa tatlong pangkat, at sa unang grupo ako napasama. Sa loob ng isang oras, nagulat ako dahil hindi ko inakala na sa loob ng animo’y maliit na istruktura ay may mga lugar at malalaking silid na para bang ikaw ay nasa isang museo.

Sa aming patuloy na paglalakad, ilan sa nabisita namin ay ang Hardin ng Ekspresyon at Hardin ng Inspirasyon, mga lugar na nagsisilbing puntahan ng mga manunulat kung nais nilang makahanap ng bagong paksa o pyesa sa susunod nilang isusulat; naroon din ang gallery ni Kidlat Tahimik, kung saan napahanga ako sa iba't ibang obra na punong-puno ng kahulugan, simbolismo at kwento. Napasok din namin ang makasaysayang Dance Hall, na isa sa labis na tinamaan noong panahon ng giyera. Ngayon, bukod sa orihinal nitong gamit, nagsisilbi na rin itong engrandeng lugar na pinaggaganapan ng mga selebrasyon tuwing may espesyal na okasyon tulad ng kasal, o kaya ay nagsisilbing headquarters tuwing may mahahalagang kaganapan sa lipunan.

Ngunit sa lahat ng aking narinig na istorya, ang pumukaw talaga sa akin ay ang kasaysayan ng mismong entablado ng MET. Bawat sulok ay may kahulugan. Bawat paling ng tingin ay may bahagi na nagsisilbing alaala ng mga alagad ng sining na minsang nagbahagi ng talento sa madla. Sa bawat eskultura, larawan, at pinta, ramdam ko pa rin ang presensya nila at ang nakakabighaning galing at talino na hindi basta-basta matatawaran.
Sa pagtatapos ng araw, napagtanto ko na ang Metropolitan Theater ay hindi lamang isang gusali. Ito ay isang istrukturang may buhay, humihinga, at patuloy na nag-aanyaya sa atin na makilahok at maging saksi sa iba’t ibang anyo ng sining na sumasalamin sa kultura at pagkakakilanlan nating mga Pilipino.
Kahit sa kakaunting sandali ay para bang pinaalala ng MET sa akin na sa kabila ng negatibong balita na aking naririnig o nababasa, meron pa ring halaga ang pagiging Pilipino natin. Meron pa rin tayong mga bagay na pwedeng maipagmalaki. Marami mang pinagdaanan ang MET sa loob ng halos 100 taon, nananatili pa rin itong nakatayo upang ipagpatuloy ang misyon nitong ipalaganap ang yaman at kultura ng bansa sa pamamagitan ng iba't ibang anyo ng sining.
Ito nga ang Metropolitan Theater. MET natin 'to, tunay ngang ATIN 'TO. 🎭
#MetropolitanTheater #SiningNgTeatro #KulturangPilipino #PaglilibotSaMET #SiningPantanghalan #KasaysayanAtSining #ArtDeco #BuhayNaKasaysayan #ArtAndHeritage #ProudlyFilipino
Ang labas, lobby at loob ng entablado ng MET
Ang iba pang bahagi ng MET:
Hardin ng Inspirasyon
Hardin ng Ekspresyon
Gallery ng Obra ni Kidlat Tahimik
Dance Hall




























































Comments