"INTRAMUROS"
- NeonLights

- Jan 22
- 3 min read
Updated: Feb 24
(Isang gabi ng paglalakbay, isang bahagi ng kasaysayan ang aking natuklasan)

Noong nakaraang linggo, sumama ako sa WanderManila sa isang paglalakbay na hindi lamang tumawid sa mga lansangan ng Intramuros, kundi sumuong din sa mga pahina ng kasaysayan. Nilakad namin ang mga lugar na naging saksi sa Battle of Manila noong 1945. Nagmula sa San Agustin Church, tumawid sa Plaza San Luis Complex, nagpatuloy sa Manila Cathedral, at nagtapos sa Fort Santiago.
Hindi na banyaga sa akin ang mga lugar na ito. Mula pa noong ako’y estudyante, paulit-ulit na silang binabanggit sa silid-aralan, iginuguhit sa mga aklat, at isinasalaysay sa pisara. Ngunit aaminin ko: mababaw lamang ang pagkakakilala ko sa kanila. Batid kong sa likod ng mga araling iyon ay may mga kuwentong nananatiling nakabaon, mga kuwentong nalimutan, hindi naipasa, hindi naibulong, o sadyang inilihim upang hindi na muling mabuksan. At marahil, ang pananabik na masilip ang mga lihim na iyon ang nagtulak sa akin upang sumama sa paglalakbay na ito.
Sa bawat landmark na aming tinahak, may panibagong bahagi ng kasaysayan ang dahan-dahang nagbubukas. Karamihan sa mga ito’y kuwento ng karahasan at pagdurusa, mga tagpong mahirap ilarawan, at mas mahirap kung uulitin. May mga sandaling napapatigil ako at napapatanong sa sarili: kakayanin ko kaya kung ako ang naroon? Marahil hindi. Sapagkat iniisip ko pa lamang ang mga pangyayaring iyon ay napanghihinaan na ako ng katawan, kasabay ng pagdurog ng aking loob.
Ngunit sa pagitan ng mga guhong iyon, may mga mumunting istoryang nakakapagbigay ng pag-asa at inspirasyon. May mga kuwentong, sa kabila ng lahat, ay nagpapaalala kung gaano kahanga-hanga ang tibay ng tao. Mga salaysay ng katapangan, pagpupursige at paninindigan sa gitna ng pagkawasak.

Habang binabaybay namin ang ruta patungo sa susunod na destinasyon, unti-unti kong ninanamnam ang bawat salitang aking naririnig. Sa aking isip, nagkakaroon ng mukha ang mga tauhan ng kasaysayan, parang mga aninong muling nabubuhay sa ilalim ng araw ng Intramuros. Pinakikinggan ko sila, dinarama ang bigat ng kanilang mga pasya, at sinusubukang unawain ang bawat hakbang na kanilang tinahak. Tila isang pelikulang walang tabing, bagkus puro katotohanan lamang.
Kung ako ay iyong tatanungin kung may isang lugar o partikular na pangyayaring na namumukod-tangi sa iba, wala akong masasagot diyan, sapagkat bawat lugar ay may sarili nitong sugat, at bawat sugat ay may sariling kuwento. At lalong pinatototohanan ito ng mga bakas ng nakaraan na nananatiling nakaukit sa mga pader at mga bato.
Sa pagtatapos ng aming paglalakbay, ang pinakatumimo sa akin ay ang mga huling salita ng aming gabay. Doon ko lubos na naunawaan kung gaano katatag ang mga Pilipino. Sinimulan niyang ikinuwento ang anyo ng lungsod matapos ang digmaan: mga lansangang puno ng mga labi, mga kababaihan at batang nilapastangan, mga gusaling pader na lamang ang naging paraan sa pagkakakilanlan, at isang ekonomiyang gumuho kasabay ng mga pangarap.
At gayon pa man, sa kabila ng lahat ng ito, pinili ng mga nakaligtas na bumangon. Kahit nasa gitna pa ng pagdadalamhati, kahit sariwa pa ang sugat ng alaala, kahit hindi pa ganap na nauunawaan ang bigat ng traumang iniwan ng 1945, pinilit nilang tipunin ang mga pira-pirasong sarili at buuing muli ang isang bayang minsang naging simbolo ng liwanag at kaunlaran.
Marahil, ang dilim na iyon ang siyang humulma sa tibay ng Pilipino, hindi dahil ito ay kanilang ginusto, kundi dahil wala na silang ibang pagpipilian pa. Kung tutuusin, ano pa nga ba ang magagawa ng isang tao kung wala ka nang ibang pagpipilian kundi ang magpakatatag?

Sa pagtatapos ng gabing iyon, hindi lamang mga petsa at pangalan ang aking baon pauwi. Baon ko rin ang mas malinaw na pag-unawa sa mga sandaling humubog sa atin, kung paano tayo natutong maging matapang, at kung paano tayo natutong magpatuloy.
Ang tanging hiling ko: huwag nating hayaang mabaon sa limot ang mga kuwentong inukit ng Intramuros. Nawa’y patuloy natin silang alalahanin, ikuwento, at balikan, sapagkat hangga’t may nakakaalala at may nagkukuwento sa kanilang mga bakas, hindi kailanman tunay na mamamatay ang kasaysayan.
(Kung interesado rin kayo sa mga tour na tulad nito, pumunta lamang sa fb page ng WanderManila para sa mga detalye)
#Intramuros #BattleOfManila1945 #KasaysayanNgPilipinas #ManilaHistory #HistoryWalk #LakbayKasaysayan #HeritageWalk #MgaBakasNgNakaraan #AlaalaNgDigmaan #TibayNgPilipino #HindiDapatMalimot #WanderManila #Remember1945 #NeverForgetHistory






















Comments