"TULDOK-KUW;T"
- NeonLights

- Sep 10, 2020
- 2 min read
Updated: Aug 25, 2025
(alay para sa mga tao na patuloy na kumakapit)
Ikaw. Oo Ikaw. Ikaw na gulong-gulo na sa iyong paligid. Ikaw na hindi alam kung babangon pa sa pagkakahimbing. Ikaw na pilit na kinakaya ang lahat kahit nahihirapan na. Bahay. Eskwela. Opisina. Mga lugar na hindi mo alam kung saan makakahinga. Pamilya. Kaibigan. Ka-trabaho. Mga tao na hindi mo alam kung mapapakinggan ka. Kaya pinipili mo na lang manahimik dahil ayaw mong maka-abala. Ikaw na hindi makakain. Ikaw na ayaw nang lumabas upang makalanghap ng sariwang hangin.
Oo Ikaw. Ikaw na tila nawawalan na ng pag-asa. Ikaw na pilit na sinasabi sa sarili na ayos ka lang. Ikaw na pilit na isinasara ang pinto sa sinuman na gustong mangumusta pero ang totoo, inaasam mo na sana mayroon pa ring makakakita. Teka. Kumusta ka nga ba talaga? Alam ko na may mga pagkakataon na hindi mo na mawari kung ano ang iyong gagawin. Kung sino ang iyong susundin at kung ano ang iyong iisipin. Alam ko na nariyan kang muli sa isang pamilyar na sitwasyon. Isang lugar na kung saan manipis ang linya na naghahati sa buhay at kamatayan. Sinasabi mo marahil na gusto mo na lang matapos ang lahat. Gusto mo ng tumakas at palayaing muli ang sarili. Para wala nang problema. Para wala nang aalalahanin pa.
Madali ang tumalon. Madali ang lumubog at hindi na umahon. Madaling sabihin sa sarili na wala ka nang pagkakataon. Ngunit bago mo gawin ito, ako'y magtatanong.
“Ito ba talaga ang gusto mo?”
“Hanggang dito mo na lang ba tatapusin ang iyong kwento?”
Oo, marami mang problema ang iyong pinagdadaanan, mga unos at bagyo na tila’y walang katapusan ngunti lagi mong tatandaan na laging balanse ang buhay. Sa bawat paglalakbay, ay may lungkot at saya kang mararansan kaya matutong ibaling ang tingin sa mga natutunan at hindi sa mga nawala o nakaligtaan. Isipin na lahat ng bagay sa mundo ay may dahilan. Hindi mo man maunawaan ngunit malalaman mo rin basta magtiwala ka lang.
Huwag mong iisipin na wala kang silbi. Meron kang kakayahan, talento at galing na ikaw lang ang makakapagbahagi. Meron kang napapatawa at nagiging inspirasyon pa sa iba kahit hindi mo nakikita. Kaya kaibigan, mahalaga ka. May halaga ka. Halaga na hindi mo kailangang kunin sa iba. Dahil ang totoo, ikaw pa lang, sapat na. Palagi mong tatandaan na hindi ka nag-iisa. Kung iyong hahanapin ay meron pa ring tao na nag aalala sa iyong kapakanan. Nagdarasal at patuloy na umuunawa dahil para sa kanila, importante ka.
Kaya magpatuloy ka lang. Patuloy mong isulat ang susunod na kabanata ng iyong buhay. Patuloy na lumaban. Patuloy na umahon. Hindi natatapos ang pag-asa sa dapit-hapon. Ang umaga ay muling sasapit at ang bagong liwanag ay darating din.

Kung ikaw o may kakilala ka na nakakaranas ng mga sintomas ng kahit anong mental health condition o psychological distress, maaring kontakin ang sumusunod:
sa 0917-899-USAP(8727) or 7-7-989-USAP (8727). In case of an emergency, please call your local emergency hotline and/or proceed to the nearest hospital.
HOPELINE
PLDT: (02) 8804-4673 [HOPE]
Globe: 0917-558-4673 [HOPE]
Smart: 0918-873-4673 [HOPE]
Globe/TM: 2919




Comments