top of page

"Pasanin"

  • Writer: NeonLights
    NeonLights
  • Apr 22, 2025
  • 2 min read

Updated: May 26, 2025

(bagong karanasan sa Biyernes Santo)

"At sinabi niya sa kanilang lahat, Kung ang sinoman ay ibig lumapit sa akin, ay tanggihan niya ang kaniyang sarili, at pasanin araw-araw ang kaniyang krus, at sumunod sa akin." -Lucad 9:23

Isa sa aking mga naging highlight ng nagdaang Holy Week ay ang pag-anyaya sa akin ng kaibigan kong si Berna sa Padre Pio Chapel, kung saan kami ay nagdasal ng Stations of the Cross kasama ang ilan sa mga ka-miyembro niyang Intercessory Ministry (IM) sa Feast.


Matagal ko nang kilala si Berna, at sa tuwing iniimbita niya ako sa isang ganap, laging may bahagi sa isip ko na nagsasabing, “Hindi lang basta ganap ‘to.” Sadya man o hindi, sa hindi maipaliwanag na kadahilanan may mga maliliit na sandali na nagbibigay sa akin ng sorpresa, pagninilay, at kadalasan mga biyaya. Hindi man ako palaging handa, umuuwi pa rin ako na punong-puno pa rin ng pasasalamat.


Katulad noong Biyernes Santo. Akala ko’y isang simpleng pagdalaw at pagdarasal lang ng Stations of the Cross ang mangyayari. Pero pagdating namin doon, nagulat ako na hindi lang ito simpleng pagdadasal ngunit may kalakip na aktibidad—maaari pala kaming magpasan ng kahoy na krus habang dumadaan sa bawat istasyon. Nang nakita ko na lahat ng tao ay pumapasan ng krus, pati na ang mga bata, ginawa ko na rin ito. Sino ba naman ako para tumanggi pa.


Bago sa akin ang ganitong karanasan. Hindi ko alam kung paano gagalaw habang may mabigat sa balikat. Sa una, nakakailang—paano ka nga naman makakapag-pokus sa dasal kung may bigat kang dala? Pero habang tumatagal, parang unti-unti kang nasasanay. Sa huli, kahit ramdam ang bigat, hindi ako bumitaw. Marahil nakatulong ang pag-alay ko ng aking hirap sa Kanya kaya nagkaron ako ng lakas upang matapos ang aktibidad.


Pagkatapos ng dasal, nakausap ko ang isa sa mga ka-miyembro ni Berna. Nagkapalitan kami ng saloobin tungkol sa karanasan. Sabi niya, “Kung tutuusin, yung bigat na pinasan natin, walang wala pa ‘yan sa krus na pinasan ni Hesus noon.” Napaisip ako. Totoo nga naman. Sa tindi ng pinagdaanan Niya, may karapatan pa ba ako para magreklamo?


Paglabas ko ng chapel, nakita ko ang dagsa ng iba’t ibang tao na gusto ring manalangin—babae, lalaki, may edad, bata, may karamdaman, mayroong mag-isa at karamihan kasama ang pamilya. Nakakatuwang lang makita na sa kabila ng modernong panahon, marami pa ring nagpapakita ng pananampalataya at pagpapahalaga sa Mahal na Araw. Sana lang, hindi lang tuwing Semana Santa tayo ganito. Sana araw-araw, maging bahagi ng ating buhay ang pagdarasal at pagtawag sa Kanya upang mas maipakilala pa natin ang kanyang kabutihan sa iba.


Comments


 Subscribe to future posts

©2019 by Neonsreflection. Proudly created with Wix.com

  • facebook
  • Instagram
bottom of page