"PANDEMIC LOVE STORY"
- NeonLights

- Oct 15, 2024
- 4 min read
Updated: Aug 18, 2025
(kwento ng unang pag-ibig)
"Buksan mo naman yung camera mo"
Isang malaking palaisipan pa rin na merong taong magkakainteres sa akin. Di naman ako kagwapuhan, madalas ay nagtatago sa likod ng mga litratong hindi naman akin at pangalang di naman kinamulatan. Kaya nung narinig ko ang request nya, napuno ako ng pag-aalinlangan. Hanggang sa nagkakitaan na. Wala akong naramdamang pagkadismaya o kaplastikan sa pagkakasabi nyang may itsura daw ako. Kaya tinuloy ko ang pakikipagusap sa kanya.
Sa totoo lang, na-cute-tan ako sa kanya nung una ko syang nakita. Ewan ko ba, pero ang gaan ng pakiramdam ko. Andun yung excitement, at konting kilig. Ngunit kahit ganon ang aking nararamdaman, naging maingat pa rin ako. Nagkapalitan ng messenger at fb profile, nagkatawagan ng ilang beses na umabot ng madaling-araw. Hanggang sa di ko namalayang nahuhulog na pala ko sa kanya.
Sa loob ng 31 years, wala pa akong itinatangi. Hindi ko naranasan na ipagtambal o asarin sa iba kong mga kaklase at hindi ko rin namang binalak na manligaw. Siguro, marahil na rin sa insecurities sa aking katawan, takot na ma-reject o mahusgahan ng iba, kaya ang naramdaman ko noong mga panahong iyon ay tila bago sa akin.
"Sumagi rin sa isip ko na baka masyado kaming nagmamadali at baka pabara-bara lang kami. Ngunit kahit ilang beses ko ito pag-isipan, nanaig pa rin ang binubulong ng damdamin."
Di ako nakakatulog, bumilis ang tibok ng puso, at excited bumati ng "Good Morning! Kain ka na ng breakfast" dahil sa unang pagkakataon, meron na akong pag-aalayan nito.
Halos dalawang linggo pa lamang ay nag desisyon na kaming maging magkasintahan. Noong una, may mga agam-agam pa ako. Ilang beses kong tinanong ang aking sarili -
"Mapapanindigan ko ba to?"
"Sigurado ba ako?"
"Handa na ba talaga ako?"
Sumagi rin sa isip ko na baka masyado kaming nagmamadali at baka pabara-bara lang kami. Ngunit kahit ilang beses ko ito pag-isipan, nanaig pa rin ang binubulong ng damdamin.
October 15, 2021 nang sa unang pagkakataon ay nagkaroon ako ng kasintahan. Hindi talaga mapantayan ang saya ng aking nadarama nang mga panahong iyon. Sa wakas, meron nang dahilan ang aking mga ngiti sa bawat pagbangon.
Nagdaan ang ilang mga linggo ay nagkaroon kami ng pagkakataon na magkita ng personal. Pumunta ang aking pamilya sa Batangas upang magbakasyon at doon namin plinano na magkita. Sa isang coffee shop katabi ng gasolinahan, hinintay ko sya. Andun syempre ang kaba at takot na baka magbago ang kanyang isip kapag nakita na nya ang buo kong anyo. Maya-maya lang ay may tumapik sa aking balikat. Si Kian na nga yon. Walang nagbago sa pagtingin ko sa kanya. Cute pa rin naman sya, malambing kung magsalita at go with flow lamang.
Batay na rin sa kanyang pagkatao, instinct na rin siguro na ako ang maging protektor sa aming dalawa. Ako dapat yung maging malakas at buo ang loob. Ako ang magiging sandigan at ang provider sa aming dalawa.
"Inaamin ko nung umpisa, kahit pumayag ako sa relasyong ito, hindi ako naging all out. May mga sandali na pinaubaya ko na lang na "bahala na kung anong mangyari"
Pagkatapos ng ilang oras ng kamustahan, kwentuhan at pagkakakilanlan, natapos ang araw na busog ang puso at isang halik sa noo nya ang aking iniwan.
Hindi rin naman naging madali ang paguumpisa namin. Unang hamon dito ay ang distansya sa isa't isa. Hindi naman ako maaaring magpabalik-balik mula Pasig hanggang Batangas at sya rin naman. Kaya sinisiguro namin na sinusulit namin ang bawat pagkakataon na kami ay nagkakausap.
Napagkasunduan namin na sya na lamang ang pupunta dito dahil mas marami raw kaming magagawa kapag dito sa Maynila kami namasyal. Marami rin kaming napuntahan at nasilayan. Sa mga panahong iyon ay mas nakilala pa namin ang isa't-isa. Naglahad ng mga pinagdaanan sa buhay, mga pangarap at mga pinanghihinayangan.
Inaamin ko nung umpisa, kahit pumayag ako sa relasyong ito, hindi ako naging all out. May mga sandali na sinabi ko na lang na "bahala na kung anong mangyari". Kung tumagal man kami, edi ok. Ngunit kung magkahiwalay man, edi ok na rin. Marahil na alam ko na sa una pala lang nakapagdesisyon na ako na tatanggapin ko na lang kung ano man ang aking tadhana.
Ngunit habang tumatagal, mas lalo ko nakikita yung halaga nya. Mga sakripisyo nya, mga efforts nya mapasaya lang ako. Dumating din ang panahong nakita ko na lang rin ang aking sarili na tinotodo rin ang efforts ko mapaligaya ko lang sya. Mabigay ang mga bagay na di pa nya nararanasan, at kasabay nun ay unti-unti ko na rin pala syang natutunang mahalin.
Pero hindi naman sapat ang pagmamahal lang dba?
Katulad ng ibang magkarelasyon, marami rin kaming naging di pagkakaintindihan. Noong mga unang buwan namin, ang dami naming adjustments sa isa't-isa. Mga panghihinala na walang basehan, mga salitang binitawan na hindi pinag-isipan, at mga desisyong hindi napanindigan.
Lumipas ang dalawang taon na ganun ang nangyayari. Ngunit kahit papano, pinipilit naming ayusin, intindihin, at unawain. Subalit may mga bagay talagang hindi na kayang salbahin ng mga materyal na bagay o ipagpapalipas na lang.
"Habang sya ay sigurado na, ako ang nagsasabing bahala na. Ewan ko ba. Basta alam ko sa relasyon naming ito, hindi na ako nagiging patas."
Hanggang sa umabot ako sa araw na kailangan na namin itong harapin. Kasabay ang mabigat na tanong na... "Kaya pa ba natin?"
Marami akong isinaalang-alang.. nag-isip ng paulit-ulit, sinubukang balansihin ang lahat ng bagay. Hanggang sa humantong ako sa isang desisyon na hindi inaasahan. Ang pamamaalam. Hindi ito naging madali. Hanggang sa araw na sasabihin ko ito sa kanya, tinitimbang ko pa rin ang lahat. Kung tama ba ang aking gagawin, kung pwede pa bang maayos ito, o ako ba ay nagpapadala lamang sa aking emosyon.
Ngunit inisip ko sya. Tiningnan lahat ng mga bagay na kanyang ikinompromiso, mga sakripisyo, mga bagay na tinanggap na lamang nya dahil alam nya dun ako magiging masaya.
Doon ko nakita na sa aming dalawa, ako pala ang nagkulang. Ako pala ang mahina. Habang sya ay sigurado na, ako ang nagsasabing bahala na. Ewan ko ba. Basta alam ko sa relasyon naming ito, hindi na ako nagiging patas.
At sa isang hapon ng Enero, tinapos ko na. Sa marahan ngunit malinaw na mga salita, di na ko nag atubili pa. Walang sigawan, tahimik na nagpaalam. Nag-iwan ng pasasalamat at isang mahigpit na yakap.
Dalawang taon at tatlong buwan nakadama ng pagmamahal. Kahit sa maikling panahon, wala akong pinagsisisihan. Hindi ko pa alam kung ano ang susunod na hakbang. Basta ang mahalaga, sa kabila ng lahat ay meron akong natutunan. 💔


!["THE TRAIN STOP" [part 2]](https://static.wixstatic.com/media/nsplsh_13f4a386cd3b4bc0bd3146dd99395725~mv2.jpg/v1/fill/w_980,h_653,al_c,q_85,usm_0.66_1.00_0.01,enc_avif,quality_auto/nsplsh_13f4a386cd3b4bc0bd3146dd99395725~mv2.jpg)
Comments