"Marita" [2023]
- NeonLights

- Dec 12, 2023
- 6 min read
Updated: Oct 6, 2025

Film
Louise Delos Reyes, Rhen Escano, Ashtine Olviga, Yumi Garcia
Ethan David, Taneo Uyam
Written by: Roni S. Benaid
Directed by: Roni Benaid
Viva Films
==========
RATING: ⭐⭐/ 5
==========
WARNING: SPOILERS!
==========
Kwento ng isang aktres na kinitil ang sariling buhay sa teatro sa harap ng maraming tao. Ngayon, nagbabalik sya upang manakot sa sino mang gustong agawin ang kanyang ilaw sa entablado.
Sa totoo lang, nag-expect ako ng kaunti nung lumabas ang trailer na ito. Bilang isang indibidwal na minsan na ring naging bahagi ng Theater Group noong highschool at kolehiyo, talagang pumukaw ito ng atensyon sa akin.
DALOY (Flow of the Story)
Kahit naipahayag naman ng pelikula ang nais nitong iparating sa mga manunuod kahit papano, nakulangan pa rin ako sa mismong backstory ni Marita. Kung ako ang tatanungin, nais ko pa sanang ma-explore ang kadahilanan sa kung bakit ganoon na lamang ang kanyang kagustuhan sa liwanag ng entablado. Produkto ba sya ng isang pamilya na hindi nakakapagbigay ng sapat na atensyon sa kanya? Sya ba ay pinagkait ng isang bagay na mahalaga sa kanya kaya ang pagiging bida sa teatro ang ginawa nyang panakip-butas sa sakit na kanyang nararamdaman? Maraming mga posibilidad na sana ay nailahad ngunit dahil hindi ito nakita, ang dating tuloy sa maunuod ay si Marita ay walang pinagkaiba sa ibang mga multo na nagpapakita kahit na sinasabi ng ilan na ang kwento ay naturingang isang alamat.
Hindi rin ako nakumbinsi sa aspeto ng pelikula na kung saan dinadala ni Marita ang kaluluwa ng kanyang mga naging biktima sa ibang dimensyon at may kakayahan ang sinuman na pumunta at bumalik sa totoong mundo. Base sa aking pagkakaalam, mga engkanto lamang tulad ng duwende at kapre ang may ganitong kakayahan at wala pa akong narinig na kwento na kaya rin pala ito ng mga multo.
May isang partikular na eksena rin na hindi ko alam kung sadya ba ito, o mali lang ba ang pagkaka-edit. Ito ay yung eksenang nakita ni Sandra ang isang estudyante na nakabitin sa ere na tila sinasakal sya ni Marita pataas. Ang weird lang tingnan na nakatayo lang si Sandra na hindi man lang nya tulungan yung bata bagkus hinayaan lamang nya itong mahulog sa sahig. Alam ko na may mga tao talaga na kapag nakakita ng ganung pangyayari ay napapahinto at nabblanko ang isip pero sa sandaling iyon, ilang segundo kasi ang nagdaan at walang kumikilos sa mga tauhan na mapapatanong ka na lamang na, "Ano ba, tutulungan ba nya yung bata, o nakatayo na lamang ba sya dun?"
Maliban doon ay marami rin akong mga katanungan na nabuo sa aking isipan habang pinapanood ko ang pelikula. Bakit ba pinipilit ng principal si Sandra na ituloy ang play sa kabila ng mga hindi na kagandahang nangyayari sa mga bata? May nakaraan ba ang principal na ito kay Marita? Gusto ba ng principal na kumita sa play na ito o gusto ba nyang sumikat o makilala? Ang nais ko lamang ipunto ay hindi kasi naging malinaw sa akin yung dahilan kung bakit ginagawa ng mga karakter na ito ang kanilang ginagawa. Hindi ko masyadong naramdaman yung bigat, yung risk, yung consequences ng sitwasyon kaya hindi ako maka-invest ng todo.
Masasabi ko rin na mas naging epektibo kung naging "firm" pa lalo si Sandra sa paraan ng pakikitungo nya sa naturang principal ng paaralan. Mas naging justifiable pa sana ang kanyang mga desisyon kung naging mas mausisa pa sya sa kung bakit ba sya iniipit na ituloy ang play sa kabila ng mga aksidente sa loob Sinag Diwa (theater group ni Sandra).
PAG GANAP (Characterization)
Una kong napansin na karamihan sa mga artistang bahagi ng pelikulang ito ay mga baguhan. Hindi ko alam kung may mga proyekto na silang dating pinagbidahan ngunit kung ako ang tatanungin ay hindi pa ganoong ka-ingay ang kanilang mga pangalan sa larangan ng pag-arte. Sa pagsaalang-alang ng ganoong nalalaman, ay hindi na ako humangad ng mataas na lebel ng pag-arte o pagbibigay ng dekalibrang emosyon. Kumbaga, maaga ko na lamang tinanggap na lang kung ano ang kaya nilang ibigay.
Sa kabilang banda naman, si Louise delos Reyes ay matagal na rin namang artista. Naririnig ko na ang kanyang pangalan sa dati nyang mga naging teleserye sa GMA7 at sa ilang mga pelikula tulad ng huli kong napanuod sa kanya na ang pamagat ay "Para sa mga Broken Hearted". Nagalingan naman ako sa kanya roon, kaya kahit paano alam ko na rin kung ano ang aabangan ko sa kanya sa aspeto ng pag-arte.
Masasabi ko namang naging epektibo para sa akin si Louise delos Reyes bilang Sandra. Naipakita naman nya nang maayos ang emosyon na hinihingi sa sitwasyon ngunit sa aking palagay ay may mas maibubuga pa sya at kaya pa nyang i-level up ang kanyang performance.
Pagdating naman sa mga estudyanteng nagsiganap, aaminin ko na hilaw pa sila at sa aking pakiwari ay parang ginawang "test" ang pelikulang ito upang masubok lamang kung makakapagbigay ba sila. May mga ilang eksena rin na para sa akin ay ang cringey habang ang iba ay naging dull lamang. Kung ako ang tatanungin, kailangan pa talaga nila ng mas marami pang workshops para lalo pa silang gumaling at humusay.
Sa gumanap naman na janitor sa kwento (Neil Tolentino), hindi rin ako masyadong napaniwala sa ginagampanan nyang karaketer. Para sa akin, sumobra sya sa pag ganap at sa bawat pagbigkas ng kanyang mga linya ay tila bang sinasadya nya ang ganoong istilo ng pagsasalita para mas mukha syang maging misteryoso. Sa make-up naman, alam mong masyadong sinadya yung "pagdidilim" ng kanyang mukha at paghaharang ng kanyang buhok para mas magmukha itong nakakatakot.
Tungkol naman sa bida ng pelikula na si Marita (Rhen Escano), ok naman ako sa make-up at sa performance nya pero ako kasi, na-cocornyhan talaga ako sa mga multo sa pelikula na naglilitanya ng mahabang mga pangungusap o yung tipong nagku-kwento na sya ng kanyang nakaraan. Para sa kin, nawawala yung ilusyon ng pelikula at hindi na ito nagiging epektibo.
TEKNIKAL (Technical Elements)
Sa teknikal na aspeto naman, may mga eksena na parang hindi ko na masyadong naainag ang mga tauhan dahil nadiliman ako sa ilang mga shots. Alam ko na horror ito ngunit habang tumatagal ay hindi na sya umaakma para sa akin.
Hindi ko rin nagustuhan ang paraan ng pag color grade nila sa pelikula. May mga eksena na alam mong umaga ang setting pero bakit sobrang dilim pa rin ng paligid? Hanggang sa umabot ako sa nakakatawang dahilan na baka wala nang pambayad ng kuryente ang paaralan nila. Hindi ito nakatulong sa aking imahinasyon dahil alam mong sinasadya nila yung pag-"dilim" ng hitsura nito para mas mukhang nakakatakot.
Sa mga eksena naman na pinapakita yung nakaraan ni Marita, napansin ko na wala masyadong pagkakaiba yung mismong setup ng teatro sa kasalukuyan. Kung ano ang appearance ng mga upuan, ng stage, ng backstage ay ganun pa rin. Hindi ko nakita yung bakas na "niluma sya ng panahon" kung sinasabi nilang maraming taon na ang lumipas ng huling buksan ang teatro na yun lalo pa't sinasabing mga 1970's pa naganap ang kwento ni Marita. Sana man lang naipakita na may mga lumang upuan, mga gamit na inaalikabok, mga sirang props etc. Sa halip, nagtaka pa nga ako dahil sa unang pagsilip sa backstage ay mga costume na tila bago pa.
Hindi rin ako napaniwala sa pag gamit nila ng special effects nung nasusunog na si Marita. Hindi ito naging pulido at nag-work lang ito dahil na rin sa performance ni Rhen Escano (Marita).
EPEKTO (Overall Impact)
Kung meron man akong leksyon na natutunan sa pelikulang ito ay yung matuto na humindi sa mga bagay na nagaalangan ka o sa mga sitwasyon na hindi ka sigurado. Kapag ang dahilan na lamang ng pag gawa mo ng isang bagay ay dahil sa takot ay marahil panahon na upang tanungin mo ang iyong sarili kung itutuloy mo pa ba ito o kailangan mo nang huminto.
KONKLUSYON
Sa kabuuan, masasabi kong disappointed ako sa pelikulang ito. Hindi ako fully na-invest sa kwento. Ang dami kong mga katanungan at mga "sana" na naiwan sa akin sa buong karanasan ng aking panonood. Mga bagay na kailangan pa ng pagpapabuti upang ito ay mas maging kapani-paniwala.
May mga positibo naman akong masasabi sa pelikulang ito, at malaking bahagi ng mga iyon ay ang maayos na pag ganap ni Louise delos Reyes at Rhen Escano sa kanya-kanyang papel.
Sa aking mas malalim na pagtingin ay kaya siguro ako nakulangan sa pelikula ay dahil sa panahon ngayon na dumarami na ang mga palabas na alam mong pinag-isipan, pinag-laanan ng masusing oras, panahon at pera kaya hindi ko rin maiiwasan na ito ay maikumpara. Sa katunayan, marami na rin tayong mga pelikula na alam mong kaya nang makipag kompetensya sa mga produkto ng banyaga kaya kung ihehelera mo ang Marita sa kanila ay alam mong mapag-iiwanan pa ito.

!["Espantaho" [2024]](https://static.wixstatic.com/media/5b6fd3_a4f91391f4184787857d59b9a14556c6~mv2.jpg/v1/fill/w_980,h_1447,al_c,q_85,usm_0.66_1.00_0.01,enc_avif,quality_auto/5b6fd3_a4f91391f4184787857d59b9a14556c6~mv2.jpg)
!["STRANGE FREQUENCIES: Taiwan Killer Hospital" [2024]](https://static.wixstatic.com/media/5b6fd3_f7c45dc6deff4971a5b0ad99660dc311~mv2.jpg/v1/fill/w_980,h_1452,al_c,q_85,usm_0.66_1.00_0.01,enc_avif,quality_auto/5b6fd3_f7c45dc6deff4971a5b0ad99660dc311~mv2.jpg)
!["Ang Manananggal Sa Unit 23B" [2017]](https://static.wixstatic.com/media/5b6fd3_a3513779cbed47fa87d4bf440fead29c~mv2.jpg/v1/fill/w_452,h_678,al_c,q_80,enc_avif,quality_auto/5b6fd3_a3513779cbed47fa87d4bf440fead29c~mv2.jpg)
Comments