"PAANO BA KITA MAPAPASALAMATAN?"
- NeonLights

- Jun 22, 2020
- 4 min read
Updated: Jun 24, 2020
(isang di-pangkaraniwang paggunita sa Araw ng mga Ama)
Mapagmahal. Maunawain. Maalaga. Laging nandyan sa tuwing may pangangailangan ang kanyang mga anak. Iyan lamang ang ilan sa mga salita na nais ko sanang mailarawan sa iyo tuwing mapapag-usapan ang tungkol sa mga Ama. Ngunit sa kasamaang-palad, pilitin ko mang sambitin ang mga ito, ay pilit namang sumasalungat ang aking mga labi sa sinasabi ng aking isip. Katulad noong isang gabi ng taong 2002. Isang gabi sa harap nang aking mga kaklase, sa gitna ng isang retreat. Maluha-luha kong binabanggit ang mga positibong salitang iyon hindi dahil sa mayroon kang mga ganoong katangian kundi dahil alam ko na nagsisinungaling lang ako sa harap nilang lahat. Para matapos na. Para wala nang magtanong o maungkat pa.
Pili lang ang mga masasayang araw nating dalawa. Mga araw noong dinala mo ako sa isang mall upang mamasyal, sinama sa pagsakay sa bangka at noong araw na nagdesisyon kang makipaglaro sa akin gamit ang maliliit na piraso ng laruang chess. Naalala ko pa noon ang iyong mga ngiti. Ngiti ng isang ama na masayang makita ang isang bata na nag-eenjoy sa kanyang nararanasan. Hiniling ko na sana hindi na iyon matapos. Sana ganoon na lang palagi. Walang problema, walang pag-aalinlangan.
Subalit sa paglipas ng panahon, sa hindi maipaliwanag na kadahilanan - bigla na lang nagbago ang lahat. Lumayo ka. Hindi kita mahanap sa mga pagkakataong nais ko sanang maipakita ang mga marka kong 88 at 89 sa paaralan. Sa mga sandaling pinili ako ng aking guro upang maging lider sa isang group project dahil alam nyang magaling ako. Hinahanap kita. Hanggang sa hindi na kita nakilala. Kapalit ng Ama na aking nakasanayan, ay isang lalaki na laging magkasalubong ang kilay habang papalapit sa pintuan pagkatapos maigarahe ang pampasaherong FX. Kasabay ng bawat mabagal at mabibigat na mga hakbang aking pinapalitan ang masasayang imahinasyon ng pangamba at takot. Minamasdan ang paligid kung mayroon bang mali o mayroon bang kulang sa kanyang hapunan na kakainin. Sa pag-upo nya sa sala at pagbigay ng kanyang pagkain, umasa ako na hindi ko marinig ang kanyang malalim at mabigat na boses na maglilista ng aking maling nagawa. Hindi ko na nga siya kilala. Wala na ang mga ngiti. Puro na lang pagpuna at pangmamaliit.
Grade 3 ako noong nakilala ko ang sinturon mo. Dalawang malalakas na hampas sa pwet na galing sa mismong bakal nito ang aking naramdaman. Nagalit ka noong hindi ako nagpakita sa isang sayaw namin sa eskwelahan kung saan ikaw ay dumalo. Nagalit ka na lang ng basta ng hindi mo ako binigyan ng pagkakataon na magpaliwanag. Grade 4 naman ako noong kamao mo at isang hinagis na pitchel ang akin namang nakamit sa iyo. Hindi ko na nga maalala kung ano ang dahilan pero ang lagi ko lang natatandaan ay ang aking panginginig ng aking katawan sa takot at ang sobrang sakit at paghikbi kasabay ng mga luha. At sa pagsapit naman ng aking ika-anim na taon sa elementarya, hinding-hindi ko naman makakalimutan ang pagbuhos mo sa akin ng isang malaking batya ng tubig habang nakasalampak ako sa sahig sa likod na bakal na gate. Nakakagulat ngang isipin na sa puntong iyon, hindi na ako umiiyak. Nasanay na ako sa’yo. Pero ang alam ko lang, bigla na lang akong namanhid. Para bang nawala yung puso ko sa kanyang kinalalagyan. Wala na akong nararamdaman..
Hanggang sa dumating ako sa aking pagbibinata na buo na sa utak ko na hindi ko na makikita pang muli ang Ama na kasama kong sumakay ng bangka. Wala na ang pag-asang makita pa ang mga ngiti na una kong nakita sa mall at ang pagdesisyong sumali sa akin sa paglalaro ng laruang chess. Ang dating magiliw na pagsalubong ay napalitan na ng galit at pagkainis, pagka hiya at pag kumpara sa ibang Ama na aking nakikita. Totoo nga na sa sandaling iyon, tinuring na lang kitang asawa nang aking Ina dahil hindi na kita kinikilala bilang isang Ama.
Ngayong sumapit na naman ang Araw ng mga Ama, ang tanong ko sa’yo - Paano ba kita mapapasalamatan?
...kung mas nanaig na sa akin ang sakit at pagkukulang mo bilang Ama hindi lang sa akin kung hindi sa lahat ng aking mga kapatid?
...kung sa bawat pagkakataon ay pinagmamayabang mo ang iyong mga kaalaman upang maipalabas mo na mas angat ka sa amin dahil tingin mo sa amin ay walang alam?
...kung sa mga sandali na magkakaroon ng magagandang desisyon sa pamilyang ito ay ikaw lagi ang umaangkin ng kredito kahit wala kang ginawa?
Paano ba kita pasasalamatan?
...kung mas inuuna mong bilhan ng alak at pulutan ang iyong mga kaibigan kaysa sa pambayad ng kuryente sa bahay?
...kung nagagalit ka kapag nagalaw ang iyong gamit ngunit sinasabihan mo kaming madamot at maarte kapag ikaw naman ang gumawa nito sa amin?
Paano ba kita mapapasalamatan?
...kung una pa lang, hindi mo na ako tinanggap bilang isang anak noong nalaman mong hindi ako galing sayo?
...kung pinipilit mo kaming irespeto ka at gusto mong ikaw lang ang dapat masusunod?
...kung hinihintay mo akong magkamali sa bawat kilos ko na para bang wala na akong nagawang tama sa mga mata mo?
...kung ni minsan, hindi mo ko maipagmalaki sa iba. Dahil ganito lang ako. Dahil sinabi mong hanggang dito na lang ako.
Paano ba kita mapapasalamatan?
...kung hanggang ngayon nagtatanong parin ako sa sarili ko kung minahal mo ba ako kahit minsan?
Paano ba kita mapapasalamatan kung ang dapat kong unahing sagutin ay ang tanong na…
Paano ba kita mapapatawad?





Comments