top of page

"LAMAT"

  • Writer: NeonLights
    NeonLights
  • Nov 3, 2019
  • 4 min read

Updated: Jan 19, 2020

Eto na naman ako, nakatayo sa tabi habang tinitingnan sya. Sa aking pagsulyap, aking mapapansin ang saya at ngiti na minsan ko nang nasilayan. Mga mata na hindi ko na naaninag sa aking pagbalik. Habang naghihintay, hindi ko maipaliwanag ang gulo sa aking isipan. Kung ako ba ay lalapit o magpasyang umiwas na lamang. Ako ay kinakabahan, hindi mapakali na para bang isang estudyante na naghihintay sa kanyang makukuhang marka mula sa kanyang guro. Sa aking pagharap sa ibang kasamahan, pilit kong pinapakita ang aking sariling ngiti at pilit na pangungumusta samantala alam naman ng aking isipan na sa isang tao lamang ako naghihintay ng isang pangungumusta.


Kung tutuusin, maaari naman na ako'y lumapit, dahil ilang hakbang lamang ang aking distansya sa kanyang kinaroroonan. Ngunit kahit ganoon, para bang ang mundo nya ay malayo na. Lumawak na. Habang ako, narito at bahagi na lamang ng kanyang alaala.


Nagsimula ang lahat ilang buwan na rin ang nakalipas. Habang papunta ako sa isang kainan upang harapin ang mga bago kong makakasama sa aking ispiritwal na paglalakbay, matagal ko nang napagdesisyunan na ito ay isang pagkakataon lamang. Ito ay pagpapakita ko lamang ng respeto sa taong nag-imbita sa akin na ilang beses akong hindi sinukuan. Una kong napansin ang tahimik na kapaligiran at nakabalandrang mga upuan na ang iba ay gawa sa pinagtagpi-tagping maninipis na kawayan.


Sa isang sulok, aking natanaw ang isang grupo na nag-umpisa nang magsalita ng kanilang mga biyaya at mga bagong kaganapan sa kanilang buhay. May masaya, may pinagkakainisan, may nakapagbigay ng inspirasyon. Halo-halong opinyon at kuro-kuro sa isang buong maghapon. Doon ko napagtanto na ang grupo na ito ay kakaiba at espesyal. Hanggang ang unang pagdalaw ay nauwi sa lingguhang pagkikita. Hindi ko na pala nabatid na ang panandalian ay nauwi sa pangmatagalan.


Isa sya sa masasabi kong espesyal na tao. Walang yabang, walang arte. Handang tumulong, handang magparaya. Ni hindi ko nga nakita sa kanyang mga kilos at pananalita ang kanyang posisyon at katungkulan. At noong nabigyan ako ng pagkakataon na makilala sya ay mas lalo ko syang naunawaan. Sa kabila ng ngiti, ay nandoon ang sakit na kanyang pinagdaanan. Ang kanyang bigat na pilit nyang dinadala sa isang pangyayaring hindi nya naiwasan. Sa kanyang pagharap sa katotohanan, mas lalo kong napagtanto na siguro, kaya nya ginagawa lahat ng kanyang makakaya dahil ayaw nya marahil maranasan muli sa iba ang isang mapait na pangyayaring nagpabago sa kanyang buhay.


Makalipas ang isa, dalawa, tatlong linggo ay isa sya sa mga tao na nagparamdam sakin na meron pa akong halaga. Meron pa akong maibubuga. Isa sya sa unang nakakapansin sa aking kabaliwan, una syang makakaalam sa tuwing ako'y may pinagdadaanan. Nakakainis kung minsan, ngunit buong puso parin ako nagpapasalamat dahil isa sya sa instrumento sa aking unti-unting pagbukas sa grupo. Na sa bago kong maituturing na tahanan, walang kaso magpakita ng kahinaan, na kung may hindi pagkakaunawaan, ayusin ito agad. Para hindi ito magsimula pa ng mas malalim na hidwaan.


Hanggang sa lahat ay nagbago sa isang iglap. Isang pangyayari na walang ibang dapat sisihin kundi ang sarili.


Inaamin ko, nabalot ako ng pagkabalisa at lubusang pag-iisip. Mga imahinasyong hindi pa man nagaganap pero natapos na sa aking isipan. Ang totoo nito, naging tapat naman ako sa aking naramdaman. Sinubukan ipaliwanag ang lahat kahit ako mismo ay naghahanap ng tamang salita na maglalarawan sa giyera na nagaganap sa aking utak. Ngunit hindi ko nakita na sa aking pagsabi ng katotohanan, meron na pala akong nasaktan. Isang pagkakamali na hindi na ako sigurado kung ako ay makakabawi pa.


Naaalala ko pa non. Sa taas ng isang matayog na gusali kami huling nakapag-usap ng masinsinan. Sa kabila ng malakas at malamig na hangin at sa kakatapos na malakas na buhos ng ulan ako ay umakbay at nagwika ng aking paghingi ng tawad. Dalawang salitang "Wala yun" at isang ngiti ang ilan sa aking napagmasdan. At sa pagtatapos ng gabi, umasa ako na lahat ay balik na ulit sa dati. Ngunit, umasa nga lang ba talaga ako?


Sa aking ilang linggong pamamahinga, muli akong nagbalik. Nagbalik sa grupo na minsan na akong naging parte. Ang buong akala ko, wala paring nagbago ngunit habang tumatagal sa aking patuloy na pag obserba, hindi na sya tulad ng dati. Bawat kilos nya ay napansin ko na kumpara noong una, alam ko nag-iba na.


Bawat pagkakataon na sya ay makakasama, may mga paglihis akong naramdaman. Bawat pag-uusap ay may mga galaw na pilit bumibitaw. Bawat palitan ng opinyon ay may hindi pagsang-ayon - buong respeto man ang pagtanggi ngunit makikita ang kaliit na tensyon na hindi agad-agad mapapansin. Ang pag-aalala na aking nakasanayan ay naglaho na para bang katulad na lamang ako sa mga taong araw-araw nyang nakaksalamuha. Siguro natuto na sya. Natuto na sya at nakita nya na ang pag-aalala at pagkakaibigan na kanyang binibigay ay hindi ko nasusuklian ng halaga. Marahil naging mas maingat na sya sa tuwing kami ay nagkakasalubong. Pag-iingat na sa aking tingin ay isa nang unti-unting pag-iwas. Hindi ko naman sya masisisi. Kailangan kong pagdusahan ito dahil nararapat ko lang pagbayaran ang aking kapapabayaan.


Kaya sa aking minsang pag-iisa, ako ay napatanong na nasundan ng paninisi sa sarili.


"Kung hindi na lang ako naging totoo sa sarili ko, mangyayari pa ba kaya lahat ng ito?"

"Sana mas naging sensitibo ako sa nararamdaman ng tao kumpara sa sarili kong pinagdadaanan." "Kung sana naging tahimik na lang ako, kung sana nagpanggap na lang ako."


Pero hindi. Sa halip mas pinili kong maging makasarili. Naging madamot. At oo, naging tanga.

May pag-asa pa ba kaya manumbalik ang lahat sa dati? Sa totoo lang, parang nasira na ko. Ngayon na mas nakilala na nila ako, ang kabaliwan, ang kahinaan, matatanggap pa ba kaya ako? Dahil para sa akin, nasira na ang imahe ko sa grupo. Ang akala nilang matatag, ay may kahinaan din pala. Pakiwari ko ay sirang-sira na ako sa lahat.


Kaya ngayon, ang grupo na minsan ko nang tinawag na tahanan, ay nagka-lamat na ng dahil sa aking pagkakamali. Isang pagkakamali na hindi ko na alam kung maibabalik pa ba sa dati. Maihahalintulad sa isang plorera na kapag nabasag, mabubuo mo mang muli ngunit ang lamat at bakas ng kahapon ay habambuhay nang makikita dito. Kung sana nanahimik na lang ako. Kung sana mas pinili kong unahin ang pakiramdam ng ibang tao, sana masaya pa ang grupo. Sana maayos pa ang lahat. Nakakalungkot man ngunit kailangan ko tanggapin. Na ako na minsan nang naghanap ng tahanan ay ang una pa lang sisira nito.




Related Posts

Comments


 Subscribe to future posts

©2019 by Neonsreflection. Proudly created with Wix.com

  • facebook
  • Instagram
bottom of page