"KUMUSTA?"
- NeonLights

- May 28, 2020
- 4 min read
Updated: Aug 12, 2025
(may halaga pa ba ang isang simpleng Kumusta?)
Pinuntahan ko ang aking kaibigan sa ibang bansa upang tulungan siyang maghanap ng maayos na litrato na babagay sa kanya. Sa loob ng kanyang silid-tulugan aking kinuha ang kanyang laptop at isa-isa kong sinuri ang bawat larawan. Pero sa loob-loob ko, alam ko naman na kahit anong anggulo pa ang kanyang gawin, maganda parin itong lalabas palibhasa'y natural na sa kanya ang pagiging simpatiko at kaakit-akit.
Lumabas siya ng saglit at aking nakita sa kaliwang bahagi ng screen nakabukas ang kanyang Messenger. Nag-aatubili man nung una ngunit nanaig parin sa akin ang kagustuhang makita ito. Sa aking pagsilip, aking nakita ang pagkadami-daming mensahe na nagsilabasan sa group chat na dati kong kinabibilangan. At sa aking pag-scroll sa taas napansin ko na masaya ang kanilang bawat usapan. May tawanan, palitan ng mababaw na mga biro at kung anu-ano pa. Sa aking pagbabasa, bigla akong nabanggit. Ngunit imbis na matuwa, ako'y nabigla dahil unti-unti na silang sumasang-ayon na ako ay huwag nang muling kausapin pa ng tuluyan. Samantala ang iba, sinasabing huwag na akong ibalik pa.
Sa puntong iyon, para akong binuhusan ng malamig na tubig. Namanhid ang aking mga kamay at para bang nawalan ako ng pakiramdam na tila may umukit ng malaking butas sa aking dibdib kaya wala na akong naramdaman. Sinubukan kong maghanap pa ng iba pa nilang pag-uusap ngunit bumalik ang aking kaibigan. Sinubukan kong lumabas sa kanyang silid upang hindi niya makita ang aking ginagawa.
Sa aking pag-upo, andun din ang isa ko pang kaibigan. Lumayo ako ng bahagya upang hindi rin niya makita ang screen ng laptop na aking hawak. Sa patuloy kong pagtingin sa group chat, lumabas siya. May pailang na tingin sa akin at bumulong ng bahagya sa aking katabi. Sinubukan kong makinig ngunit wala akong naintindihan. Pagbaling kong muli sa group chat, bigla na lang akong nawalan ng kakayahan na makita pa itong muli. Pagtingin ko sa aking kaibigan, aking nakita na hawak niya ang kanyang cellphone at sa puntong iyon aking napagtanto na alam na niya ang aking ginagawa kaya tinanggalan niya ako ng access sa kanyang laptop.
Umalis ang katabi ko habang pumasok muli ang aking kaibigan sa kanyang silid ngunit bago sila tuluyang lumisan ay nagpabaon sila sa akin ng mga tingin na pagkadismaya.
Tiningnan ko ang aking relo at ito ay sumapit na sa ika-pito ng gabi. Dali-dali akong tumakbo palabas ng mall at dahil sarado na ang mga elevator at may barikada na ang ilang pintuan, dumaan ako sa fire exit. Mula sa ikatlong palapag pababa sa pangalawa, sa maluwag at sa masikip na daanan ginawa ko ang lahat upang makalabas. Tumakbo ako ng tumakbo hanggang sa...
Nagising ako.
Bumaling sa kanan, bumaling sa kaliwa, tumingin sa bintana. Umaga na pala. Aking napansin na nalimutan kong muling patayin ang ilaw. Pinakiramdaman ko sa pamamagitang ng aking mga paa kung natabig ko sa dulo ng aking kutson ang mga bagong labang damit na hindi ko pa naisasalansan ng maayos sa aking kabinet. Imbis na sumagot ako sa aking ina na kumakatok sa pinto ng aking silid upang ako ay gisingin, nagpasya muna akong manatili sa aking kinalalagyan at subukang alalahanin ang aking panaginip.
Nilingon ko ang aking cellphone umaasang may mensaheng matatanggap. Ngunit wala. Pinuntahan ang Messenger upang tingnan kung may bagong mensaheng hindi lang nag-notify. Oo, umasa muli ako. Ngunit wala. Binuksan ang Instagram umaasa na baka doon sila nagpadala ng mensahe. Ngunit wala. Binuksan ang Facebook at umasa na baka man lang may bagong komento sa pinakahuli post. Ngunit wala.
Apat na beses umasa. Apat na beses na nabigo. Subalit ano nga bang bago? Hindi na ako nasanay. Hindi na ako nadala. Hindi ko nga alam bakit dalawang buwan ko na itong ginagawa. Minsan nga tinatawanan na lang ang sarili dahil nagmumukha na akong tanga. Pilit na umaasa sa isang bagay na hindi na ata mangyayari.
Muli kong binalikan ang aking panaginip. Bawat detalye, bawat bagay na aking nakita. Hindi man totoo lahat ng mga iyon, mayroon namang isang bagay na pareho kaming nagtutugma. Iyon ay ang pakiramdam ng kawalan. Pakiramdam na tila may umukit ng malaking butas sa aking dibdib kaya wala na akong nararamdaman. Napatanong sa sarili, naaalala pa ba nila ang isang katulad ko? O pilit nang nilimot ng panahon?
Sa totoo lang, meron namang nagbalak na mangumusta noong mga nakaraang linggo. Ngunit sa pagbubukas ng aking puso at pagbuhos ang aking saloobin, bigla ko na lang napagtanto na sarili ko na lamang ang aking kinakausap. Inisip ko na lang na baka may kailangang asikasuhin ngunit nakakapagtaka lang na sa paglipas ang ilang araw o linggo ay hindi na ako nabalikan. At hindi na nabasa pa ang huling mga salitang aking nasabi. Hanggang sa dumating ako sa konklusyon na naitago na marahil ang aming pag-uusap na para bang sa isang iglap, ayaw na akong pakinggan.
Kaya napagisip-isip ko, maniniwala pa ba ako sa simpleng "Kumusta ka na?" Ano na nga ba ang halaga nito kung hindi na magpapatuloy sa pakikipag-usap ang taong nagpadala ng mga salitang iyon? Sapat na ba ito upang masabi sa sarili na sapat na itong ambag sa inyong pagkakaibigan? At kapag nagdesisyon na manahimik at lumayo ikaw pa ang sasabihang may problema.
Wala ka namang galit o panunumbat. Dahil kung tutuusin, wala ka namang karapatang humingi ng higit sa kayang ibigay. Sino ka lang naman ba? Hindi ka naman obligasyon. Hindi ka naman kailangang bigyan ng prayoridad. Sa panahon ngayon, maraming mas importanteng bagay ang kailangang pagtuunan ng pansin. Pero sa loob mo ang nais mo lang naman ay magkaroon ng malalimang usapan. Mga salitang magpapaalala sa iyo na kaya mo pa at kakayanin mo pa. Mga katagang importante ka pa at may halaga. At Hindi yung nag-uumpisa at nagtatapos lamang sa salitang "Kumusta?"





Comments