top of page

"Ex Ex Lovers" [2025]

  • Writer: NeonLights
    NeonLights
  • Feb 17, 2025
  • 6 min read

Updated: Dec 14, 2025

Film

Jolina Magdangal, Marvin Agustin

Loisa Andalio, Juan Karlos

Written by: Antoinette Jadaone and

Kristine Gabriel

Directed by: JP Habac

Project 8 Projects, Cornerstone Studios

CMB Film Services,

Sineng Labuyo Entertainment

==========

MARKA: ⭐⭐⭐/ 5

==========

WARNING: SPOILERS !



PANIMULA:

Bilang isang batang 90’s, ang tambalang Marvin at Jolina o mas kilala sa tawag na MarJo ang pinakasikat na labtim noong panahong iyon. Mula sa telebisyon, pelikula, mga notebook o mga pausong expressions at mga pinasikat na awitin, sila na marahil ang bukambibig ng mga kabataan. Marami ang kinilig, natuwa, nakiiyak sa bawat karakter na kanilang ginampanan at patunay dito ay ang mga linyang nasa kamalayan pa rin ng kanilang mga taga-hanga hanggang ngayon kahit na sila ay mayroon na ring kanya-kanyang pamilya. Kaya bilang isa sa mga tagahangang iyon, nakadama ako ng labis na tuwa at pananabik nang malaman ko na magtatambal muli sila sa isang pelikula pagkalipas ng humigit kumulang 26 na taon.


Sa pagkakataong ito, isa sa mga unang naging tanong ko sa sarili ko ay kung maitatawid pa ba nila sa mga tao yung spark o magic na minsan na nilang naipadama sa kanilang mga manonood. Iba na rin ang panlasa ng mga audience ngayon, marami na ring mga factors ang isinasaalang-alang ng madla para masabi nila na maganda ang kanilang pinapanood. Naroon din ang di maiiwasang pagkukumpara sa mga proyektong nagawa na nila dati at kung ano pa ba kaya ang bago nilang maiihain.


Masasabi ko na isang malaking throwback ang pelikulang ito para sa tambalan ni Marvin at Jolina. Una nga nito ay ang pangalan mismo ng mga tauhan. Si Marvin at Jolina bilang Ced at Joy ay hango sa dati nilang karakter sa pelikulang “Labs Kita…ok ka lang?” na Ned at Bujoy – si Loisa Andalio at Juan Karlos bilang SC at Joey na direktang pangalan naman ng MarJo sa “Gimik the Reunion”. Pangalawa, kita mo na agad sa mga unang eksena pa lamang ng dalawang bida na hindi ito nalalayo sa nakagisnan nilang mga karakter sa palabas nila noon. Isang babaeng laging irita, focus sa goal nya pero unti-unting tumitiklop sa bawat banat ng kanyang kapareha at isang lalaking pa-cute, mapang-asar pero marunong sumeryoso kung kinakailangan. Panghuli ay ang soundtrack ng pelikula na “Tuloy Pa Rin” at “Tameme” na madadala ka pabalik sa 90’s sa isang iglap. Dito pa lang, masasabi kong naipahatid na nila sa mga dati nilang manonood yung gusto nilang makita.


Kung ikaw naman ay isa sa mga bagong manonood, mapapansin mo na iba rin ang naipahayag nilang kwento kumpara sa mga latest loveteams ngayon. Mas matured, mas maraming layers, maraming conflict na kung ako ang tatanungin, ay sana ay mas mapag-usapan pa kasama ang kapamilya, kaibigan, o kapareha.



BUOD:

Si Joy ay patuloy na nakikipagbuno sa mga alaala at sugat ng kanyang nabigong relasyon kay Ced — ang kanyang matalik na kaibigan, unang pag-ibig, at dating asawa na kung saan ay nasa proseso pa ng annulment. Ang pinakamalaking pagmamahal niya ngayon ay para sa kanilang anak na si SC, isang masayahin at hopeless romantic. Kaya’t nang mag-propose si Joey, nobyo ni SC, sa harap mismo ni Joy, determinado siyang pigilan ang engagement nilang dalawa..



KWENTO:

Sa umpisa pa lang, malinaw sa akin ang premise ng pelikulang ito. Isang single mom na gustong makita ang dating asawa upang pagbigyan ang hiling ng kanyang anak na maihatid ito ng sariling ama sa altar sa araw ng kanyang kasal. Sa kanilang muling pagkikita, magkakaroon sila ng panahon upang mag-reconnect at makapagpaliwanag sa isa’t-isa kung bakit humantong sa paghihiwalayan ang kanilang relasyon. Ito ba ay mauuwi sa muling pagsasama o mas mapagpapatibay ba nito na tama ang kanilang desisyon na manatiling magkahiwalay na lamang?


As interesting at the plot says, unfortunately may mga minor details lang akong napansin na para bang ang bilis ng shifting ng emotions ng mga bida. Hindi ko masyadong nakita yung pagnamnam ng mga karakter kung bakit sila humantong sa ganoong desisyon. Ewan ko ba kung masyado bang nabilisan ako sa mga pangyayari o para bang ang daming narrative ang gustong ipakita ng pelikula na tila bang isiniksik na lamang ito sa loob ng 1 hour and 45 minutes. Oo, maraming layers ang pelikula pero sa sobrang dami, personally, nawala na ako sa kwento. Ang daming loose ends na kailangang ayusin ngunit hindi ko sinasabi na kabawasan ito sa ganda ng pelikula. Siguro nanibago lang ako sa ganitong takbo ng istorya.



TAUHAN:

Tulad ng una ko nang nabanggit, andun pa rin ang classic Jolina at Marvin na nakagisnan ng mga tao noon. Kaya kung manonood ka at isa ka sa mga sumubaybay sa tambalan nila, hindi ka mabibigo. Andun pa rin yung sense of familiarity sa kanila. Sa kabilang dako, hindi naman din maikakaila ang katotohanan na tumanda na rin ang MarJo, kaya may mga pagkakataon na yung karakter na ginagawa nila dati ay medyo cringey na rin tingnan. Sa umpisa, natutuwa ako na nakikita ko pa rin yung dating MarJo pero habang tumatagal parang nasosobrahan na rin na para bang gusto kong sabihin na parang pa-cartoons na yung actingan nila. Naikumpara ko tuloy sila sa akting nina AiAi delas Alas at Eugene Domingo sa Tanging Ina na epektibo sa comedy pero para sa romcom na tumatalakay ng mas personal at mas seryosong bagay ay para bang hindi na makatotohanan.


Just to be clear, hindi ko minamaliit yung efforts at goals ng MarJo. Alam ko na kaya ganun na lamang ang kanilang pagpapakilala kila Joy at Ced ay para ma-satisfy yung mga audience nila before pero sana mas naipakita pa nila yung pag humanize sa mga karakter nila na nagawa naman nila dahil noong nag-shift na ang mood ng palabas sa mas seryosong usapan, doon ko nakita yung pagiging sinsero nila kung saan mas naging aware sila sa kung anong nararamdaman ng karakter nila at that moment. Isang halimbawa na nga dito ay yung sa dulo ng pelikula na kung saan sinasabi nilang naging emosyonal sila dahil para bang yung mga linyang binabanggit nila ay hindi na si Ced at Joy ang nagsasalita kung hindi si Marvin at Jolina na mismo. Naramdaman ko yun at naapektuhan ako dun.


Saludo rin ako sa pagganap ni Loisa at Juan Karlos dito. Para sa akin, nagampanan ni Loisa yung karakter ni SC na kung bibigyan ko sya ng marka, isang acceptable na 6/10. She was given a script and she delivered. Walang labis, walang kulang. Pero mas nagalingan ako kay Juan Karlos bilang Joey. Sya ang nag standout para sa akin acting wise. Yung mannerisms, yung pag-arte ng kanyang mga mata at kilos, ang epektibo lang tignan.



SINEMATOGRAPIYA:

Naipakita ng pelikulang ito ang ganda ng bansang Malta ng hindi ito nagiging sentro ng buong palabas. May mga pelikula kasi na para bang kalahati na ng kwento ay puro drone shots, wide shots ng lugar na parang wala ng kwento ang nabuo. Samantala dito, balance naman sa takbo ng istorya.



KRITISISMO:

Dalawa sa aking napuna sa pelikula ay ang mga sumusunod:


1.      PAGSULAT – sana mas naging malawak pa ang pagsulat ng linya ng mga tauhan sa palabas. May mga pagkakataon na para bang paulit-ulit na lamang ang ilan sa mga salita na napaisip ako “Wala na ba silang ibang termino na pwedeng mabanggit?” Para bang napakalimitado ng dialogues nila. Hindi ko alam kung ito ay sadya bilang pagsasalamin sa nakaraan nilang pelikula o sadyang ganoon na lamang talaga ito.


2.      ANGGULO NG KAMERA – Although the long shots at wide shots of the cinematography were great, hindi ko naman nagustuhan yung mga “zoom in” ng camera sa mga characters. Para bang hindi sya appropriate na gamitin lalo na kung seryoso na ang linya at topic. For me, nakaka-distract sya at nakakawala sa pagiging seryoso ng eksena.



ARAL:

Kakaiba ang leksyon na gustong iparating ng pelikulang ito sa akin. Kadalasan ang paghihiwalay ay isang masakit na pinagdadaanan ng isang mag-asawa, ngunti dito, naipahayag na hindi naman kinakailangan maging masalimuot ang paghihiwalay. Hindi rin ibigsabihin na manatili kang nakakulong sa galit o poot sa isang tao na nakapanakit sayo. Puwede pa lang makapagsimula kayo ng bagong relasyon na hindi man tulad ng dati pero this time, mas kilala nyo na ang isa’t isa at mas doon nyo pa pala sya mas papahalagahan.


Kung maipapaliwanag ko sa isang salita ang aking nadarama sa paglisan ko ng sinehan, ito ay ang salitang “ACCEPTANCE”. Pagtanggap na minsan may mga relasyon talaga na hindi na kayang maibalik pa kahit gaano pa natin pilitin na ibalik ito. Kaya nating magpatawad, kaya nating maging at peace sa mga pagkakamali sa mga bagay na ating nagawa o di nagawa ngunit hindi na natin magagawa pang ibalik sa dati ang mga nakasanayan.

Maging masaya na lamang tao na sa kabila ng lahat dahil nagkaron pa rin tayo ng pagkakataon humingi ng tawad at makapagpatawad.



PAGWAWAKAS:

Isa mang malaking throwback ang “Ex Ex Lovers”, nakapagbigay naman ito ng iba’t ibang anggulo at lalim na nagpapakita na ang buhay ay hindi lamang kilig lang. Sa paglipas ng maraming taon, sa dami na rin ng nangyari sa ating personal na buhay, pinakita nila na dapat maging responsable na rin tayo sa bawat desisyon na ating gagawin. Para ngang sinasabi nila sa akin na “Hindi na tayo mga bata”.


Masasabi ko rin na isa itong proper sendoff sa tambalang Marvin at Jolina para sa mga batang 90’s na nanatiling andyan sa kanila magmula noong sila ay nag-uumpisa pa lamang. Isang pagpapaalam na punong-puno ng pasasalamat. Isang pagtatapos ng kabanata sa kanilang buhay artista. Wala man silang nabanggit na ito na ang huling pelikulang pagsasamahan nila ngunit kung ito man yon, bilang tagahanga nila, kuntento na ko sa ganitong pagtatapos.





Comments


 Subscribe to future posts

©2019 by Neonsreflection. Proudly created with Wix.com

  • facebook
  • Instagram
bottom of page