"3 Upuan" [2025]
- NeonLights

- Feb 9, 2025
- 7 min read
Updated: Feb 17

(a play about time and grief)
Stage
JC Santos as Jack
Jojit Lorenzo as Jers
Martha Comia as Jai
Direction and Playwright by: Guelan Varela-Luarca
Areté, Ateneo de Manila University
==========
RATING: ⭐⭐⭐/ 5
==========
WARNING: SPOILERS!
==========
PANIMULA:
Sa unang beses na dumaan sa feed ko ang tungkol sa play na ito, agad-agad akong napabili ng ticket. Una, dahil kasama sa mga cast sa play na ito ay ang isa sa iniidolo kong theater actor na si JC Santos at pangalawa, dahil sa paksa na gustong talakayin nito; ito ay ang “Grief” o “Pagdadalamhati”. Bilang nakaranas na rin ng ganitong uri ng emosyon, gusto kong makita kung paano nila ito ipi-prisenta sa mga manonood.
Inihanda ko ang aking sarili bago pa man ako pumunta sa kanilang pagtatanghalan. Inaasahan ko na ako ay iiyak lalo pa at pinaalala muli ng mga staff na mababanggit nga sa dula ang ilan sa mga sensitibong paksa. Sa pag turn off ng aking cellphone, pag-settle sa aking upuan, binanggit ko sa aking sarili.
“Game!”
TAUHAN:
Kung tutuusin, marami-rami na rin na tayong napaanood o nakita na mga kuwento, istorya tungkol sa grief. Alam na’tin na iba-iba ang mukha nito dipende sa kung paano ito tinanggap o dinadala. Sa magkakapatid na Jers, Jack at Jai napansin ko na yung karakter nila ay hindi one-dimensional. Na’tuwa ako dahil sa buong palabas, napansin ko yung growth nila at paano rin nag-eevolve yung relationships nila sa bawat isa.
Nariyan si Jers (Jojit Lorenzo), isang propesor na nagtuturo ng Pilosopiya. Sa aking pagkakaintindi, siya ang pinaka-logical mag-isip sa tatlo at straightforward. Kung titingnang mabuti, para bang siya yung pinaka mabilis na nakapag move-on sa pagkawala ng kanilang ama. Patuoy ang buhay sa kaniya – sa mga eksena kung saan siya ay nagtuturo, siya yung nagsilbing “structure” sa kuwento. Siya yung nagbigay “textbook” definition kung ano nga ba ang “grief”. Siya yung nag-challenge sa mga manonood ng konsepto ng pagdadalamhati at ng kamatayan.
BIlang aktor na nanggaling rin sa teatro at lumabas na rin sa iba’t ibang palabas sa telebisyon at indie films, subok na ang kakayahan ni Jojit Lorenzo sa pag-arte. Sa pag ganap niya dito, naging epektibo yung kanyang karakter na medyo hindi nagpapakita nang lubos na emosyon. Naipadama at naging malinaw sa akin yung persona ni Jers. Yung alam niya sa kanyang sarili na siya ang panganay, siya ang dapat maging malakas at magsisilbing pader nung dalawa niyang kapatid. Napaka-husay talaga.
Si Jai (Martha Comia) naman bilang nag-iisang babae sa magkakapatid, siya yung nagpakita ng pag-aalala sa tatlo. Siya yung umako ng responsibilidad na alagaan yung dalawa sa paglisan ng kanilang na’titirang magulang. May sarili mang buhay na sa New York bilang isang journalist, nag desisyon siya na magpabalik-balik sa Pilipinas upang kamustahin ang mga ito.
Sa kanilang tatlo, si Jai yung mas nagkaroon ng realization sa kahalagahan ng oras at panahon. Nakita ko sa kaniya yung panghihinayang na kung siya ay nana’tili man lang sa Pilipinas, mas nagkaroon sana siya ng pagkakataon na makasama ang kanyang ama. May regrets, may pagsisisi ngunit mas nangibabaw pa rin sa kaniya yung “ngayon”. Kung paano mag mmove-on o kikilos sa kabila ng lahat.
Wala akong maalalang mga nagawang palabas ni Martha sa telebisyon o pelikula. Marahil siguro hindi naging pamilyar ang kanyang mukha sa akin. Ngunit base sa aking mabilisang pagsasaliksik, meron naman siyang mga iilang mga pelikula na nilabasan. Nanggaling din sa mundo ng teatro, kaya umasa ako na iba rin ang ipapakita nang galing, at hindi ako nagkamali.
Nadala niya ng maayos yung buong dula lalo na’t ang kuwento ng “3 Upuan” ay galing sa POV ng kanyang karakter. Para sa akin, siya ang puso ng istorya. Bawat liniya, bawat emosyon na pinakita niya ay sobrang apektado ako. Ramdam ko yung bawat luha, bawat saya at bawat struggle niya bilang Jai.
Hindi na rin nakakapagtataka na kaya pala ganun siya kagaling dahil nalaman ko na naging parte pala siya ng Sightlines Actor Space kung saan nagtututo ng Meisner Acting Technique kung saan ako ay pinalad na maging bahagi ilang buwan na ang nakakaraan.
Sa tatlong magkakapatid, si Jack (JC Santos) yung pinaka nagdamdam. Siya yung nakaranas ng depresyon, at makikitang mong naging mabigat sa kaniya ang nangyari. Marahil na rin siguro na naging malapit siya sa kanyang mga magulang kaya ganun na lamang ang naging epekto nito. Isang artist si Jack, maraming naging poetry na nagawa at taga-hanga ni Rolando Tinio. Hindi naging maganda ang relasyon niya sa kanyang asawa at anak, naging sandigan ang pamilya kaya sa pagkawala ng kanyang ama, hirap siyang tanggapin ito.
Salamin si Jack sa karamihan ng mga tao na dumaan sa pagdadalamhati. Pilit man nyang itago ang kanyang tunay na nararamdaman sa pamamagitan ng biro at patawa, hindi pa rin ito sapat upang takpan yung sakit na kanyang nararamdaman.
Hindi na siguro kuwestyon sa nakakarami ang disiplina ni JC Santos sa pag-arte. Kung nahusayan ka sa iba’t ibang pag ganap niya sa telebisyon o pelikula, iba ang talento niya sa entablado. Kapag tumapak na siya sa teatro, automatic na hindi na si JC ang makikita mo kung hindi yung mismong karakter na ang lalabas.
Para sa dulang ito, angat sa akin kung papaano kabilis magpapalit-palit ng emosyon si JC. Sa isang eksena nakikipag-debate siya sa Kuya Jers niya tungkol sa pilosopiyang ideya, sa isang iglap ibubuhos niya ang luha at labis na kalungkutan tapos isang saglit, tatawa naman siya na akala mo hindi nang galing sa pag-iyak. Isa muling patunay na nakakabit na rin talaga sa kanyang talento ang salitang “propesyonal”.
SET DESIGN:
Pagpasok pa lang sa kwarto, nagulat ako sa liit nito. Maliban sa seats na nakaharap sa “stage”, meron ding mga upuan sa magkabilang gilid ng kuwarto. Sa pag-observe ko sa paligid, ma-didescribe ko yung kwarto ay parang nakalaan lamang dapat sa mga professors o mga imbitadong mga bisita na mag papa-seminar. Pero kahit maliit lang yung espasyo ng pagtatanghalan, alam ko dun pa lang na magiging kakaiba ito sa ibang dulang napanuod ko na dati. Sadya na pagiging “intimate” ng disenyo nito. May mga pagkakataon nga na lumalapit sila sa audience na pa bang parte ka mismo nung play at dahil na rin sa ganitong setup, walang pagkakataon ang mga karakter na lumabas ng kuwarto.
Isa to sa mga dulang nagustuhan ko talaga dahil sa pagka-bare ng mismong scene area. Projector at tatlong upuan lamang ang iyong makikita. Walang disenyo ang pader, isang puti, malaki, empty at blank wall lang ang iyong mapapansin. Kaya ang kakalabasan ng buong dulang ito ay nakabase sa talento ng tatlong karakter sa istorya. Kung saan sila ay nagtagumpay.
PROPS:
Umpisa pa lamang, mapapansin agad yung tatlong upuan na na’tatangi nilang props sa dulang ito. Ngunit, ang mas kahanga-hanga ay sumasalamin ito sa personalidad ng mga karakter na nakaupo dito. Ako kasi ay naniniwala na lahat ng bagay sa pagtatanghal ay intensyonal mula sa suot ng mga tauhan hanggang sa props na ginamit. Ako man ay tama o masiyado lamang naghahanap ng mas malalim na kahulugan, Ito lamang ang aking napansin.
Classroom Chair (kaliwa) - dito umupo si Jers, ang panganay sa pamilya. Siya ang pinaka-intelektuwal sa tatlo. Isang propesor ng Pilosopiya na sumasalamin sa kanyang paghahanap ng lohikal na kasagutan sa kanyang pagdadalamhati at sa kamatayan.
Wooden Stool – dito nakaupo si Jack na isang artist. Gawa sa simpleng materyales na madaling makuha kung saan-saan. Madaling masira kapag hinampas, hindi rin ganun katibay kung ikukumpara sa iba. Tulad ni Jack na siya mismo ang mas nakaramdam ng pinakamalalim na epekto sa pagkawala ng kanilang ama.
Yellow Chair – Medyo glossy tingnan, sosyal kung maituturing, makintab ang bawat paa. Sa magkakapatid, si Jai ang nagkaroon ng sariling buhay sa Amerika. Bilang isang journalist, masasabing umalagwa ang kanyang karera ng lubusan, kaya kung gaano naging makulay ang buhay niya sa ibang bansa, ganun din ang kanyang upuan.

At dahil napag-uusapan na rin ang mga karakter, isa-isahin na na’tin sila.
TEKNIKAL:
Isa pang pumukaw ng atensyon sa akin ay ang kakaibang itsura at ayos ng kanilang ilaw. Kung mapapansin, yung kisame kung saan nakatapat ang mga performers ay may butas. Para bang hindi natapos na construction. Makikita ang pagka-bare na itsura ng mga fluorescent lights ngunit naging effective pa rin naman sa kabuuan ng pagtatanghal. Maliban dito, ang ganda at effective din ng paggamit ng mga ilaw na nang gagaling sa projector. Hindi nakakasilaw sa manonood at sa nagtatanghal. Ang ganda nga ng naging epekto niya dahil alam naman natin na kapag nakatutok sa’yo ang ilaw ng projector, natural na hindi mo makikita kung sino ang nasa harap mo. Dito mas nakatulong rin sa mga aktor dahil mas nakabuo sila ng sariling mundo.
Malinaw din ang tunog sa kabuuan pati na rin ang mga kantang pinatugtog. Walang aberyang naganap, malinaw ang bawat salita.
ARAL:
Kapag pinag-uusapan ang kamatayan at pagdadalamhati, ang paksa ng kalungkutan, panahon at oras ay normal na magiging kaakibat sa diskursong ito. Ngunit ang naging kaibahan ng dulang ito ay kung paano nila naiparating ang kahalagahan ng Language o lengwahe. Mas maiintindihan mo ang nais kong sabihin kapag ikaw mismo ang nakapanuod nito pero susubukan ko itong ipaliwanag sa abot ng aking makakaya.
Sa simpleng salita, pinakita dito na hindi mo maipapaliwanag ang depinisyon ng isang bagay gamit ang bagay mismo. Kailangan mong gumamit ng ibang salita upang makapagbigay ng sarili nitong deskripsyon. Kung ihahalintulad sa pagdadalamhati, hndi mo naman lubusang maipapaliwanag ang sariling kalungkutan dahil ikaw lang mismo ang nakakadama nito. Gagamit ka ng ibang salita upang ito ay maipaliwanag. Ang salitang yun ay “Pagdadalamhati”.
Isa pa sa pinag-usapan dito ay ang tungkol sa “Anino”. Mayroong mas mahabang pagpapaliwanag tungkol dito ngunit sinasabi nila mahirap para sa tao na makita ang liwanag kung nasanay tayo sa anino na ating nakikita. Hindi totoo ang anino, dahil epekto lamang ito ng pagtama ng liwanag sa isang bagay kaya nagkakaroon ng anino.
So, ibigsabihin ba hindi totoo ang kamatayan?
Nung napagtanto ko ang ideyang ito, dito talaga ako napatanong sa aking sarili na humamon sa aking kaisipan na hanggang ngayon ay lubusan ko pa rin hinahanap ng kasagutan.
PAGWAWAKAS:
Pumunta at nanuod ako ng dulang ito umasa na iiyak ako ng sobra-sobra, naluha man ako pero mas nanaig sa akin ang mga ideya at konsepto na humamon sa aking mga nakamulatan. Tunay nga na hindi mo tuluyang mauunawaan ang konsepto ng pagdadalamhati kung hindi mo pa ito naranasan, pero hihintayin mo pa ba ito bago pahalagahan ang mga tao sa buhay mo? Hindi mo maibabalik ang oras at panahon kaya hahayaan mo bang ito ay masayang?
Walang engrandeng disenyo, espesyal na transistions sa bawat eksena, ngunit hindi ito naging hadlang upang makapagbigay ng mahusay na pagtatanghal ang buong team sa likod ng “3 UPUAN”. Sa katunayan, mas naging epektibo pa nga ang ganitong istilo ng paglalahad na naging sanhi ng makatotohanang pag ganap.
Ito ay hindi lamang kuwento sa kung paano pinagdadaanan ng isang tao ang lungkot, pagkawala at pagdadalamhati kundi kuwento ng tatlong magkakapatid na nagkaroon ng pangalawang pagkakataon upang makita muli ang importansiya ng bawat isa. Isang pag papaalala na sa dulo, ang pinakamahalaga pa rin ay pamilya.
#3Upuan #3UpuanPlay #FilipinoTheater #StagePlayPH #SupportLocalTheater #PinoyTheater #TheaterPH #DulangPilipino #LiveTheaterExperience #IntimateTheater #MinimalistStage #TheaterLoversPH #MustWatchPH #Ateneo #AretéAteneo #AteneoArtGallery














!["ONE MORE CHANCE: The Musical" [2024]](https://static.wixstatic.com/media/5b6fd3_b8253829d59c43588b5ba1194ce8b9c7~mv2.jpg/v1/fill/w_980,h_1277,al_c,q_85,usm_0.66_1.00_0.01,enc_avif,quality_auto/5b6fd3_b8253829d59c43588b5ba1194ce8b9c7~mv2.jpg)
!["Red" [2023]](https://static.wixstatic.com/media/5b6fd3_41560cd5c9f740a6ae6110ba142518a7~mv2.jpg/v1/fill/w_980,h_980,al_c,q_85,usm_0.66_1.00_0.01,enc_avif,quality_auto/5b6fd3_41560cd5c9f740a6ae6110ba142518a7~mv2.jpg)
Comments