NON-SPOILER REVIEW: "100 Awit Para Kay Stella" [2025]
- NeonLights

- Sep 12, 2025
- 3 min read
Updated: Dec 27, 2025

Film
JC Santos, Bela Padilla, Kyle Echarri
Written & Directed by:
Jason Paul Laxamana
VIVA Films
==========
MARKA: ⭐⭐⭐⭐.5/ 5
==========
Hindi ko alam kung saan magsisimula. Kaya naisip kong balikan muna yung una kong review sa 100 Tula Para Kay Stella — ang prequel ng pelikulang ito. Doon ko na-realize na isa pala sa mga pelikulang tatlong beses kong pinanood sa sinehan at literal na nagpaiyak sa akin, ay nabigyan ko lang ng maikli at mababaw na pagsusuri. Siguro dahil hindi ko pa noon nabigyan ng sapat na lalim ang kwento, o baka hindi ko pa talaga lubos na naunawaan ang sitwasyon nina Fidel at Stella. Kaya nang inanunsyo na magkakaroon ito ng sequel, nangako ako na bibigyan ko ito ng mas maayos at masinsinang review.
At heto na nga: 100 Awit Para Kay Stella — isang sequel na hindi lang basta karugtong, kundi isang napakaganda at epektibong pagpapatuloy ng kanilang kwento. Para sa akin, nasagot ng pelikulang ito ang ilan sa mga tanong at agam-agam na iniwan ng unang pelikula. Maayos at pulido ang pagkakatagpi-tagpi ng bawat eksena, at nagustuhan ko na nagsimula ito sa kung saan nagtapos ang 100 Tula. Ang bawat awit na ipinakita at pinarinig sa mga manonood ay hindi basta isiniksik, bawat isa ay may saysay at maingat na naipasok sa tamang bahagi.
Ipinakita rin ng direktor na si Jason Paul Laxamana ang mas malalim na dimensyon ng dalawang bida. Hindi ito pilit — ramdam mo na idinagdag ito upang mas maintindihan natin kung saan sila nanggagaling at kung sino ba talaga sina Fidel at Stella, sa labas ng kwento na alam na natin.
Bilang fan nina Fidel at Stella sa unang pelikula, masasabi kong hindi ako nabigo. Naipakita nina JC Santos at Bela Padilla ang growth ng kanilang mga karakter habang nananatili pa rin yung core ng kung sino sila noong una natin silang nakilala. Nandun pa rin yung nostalgia factor — yung pakiramdam na naging parte tayo ng kanilang nakaraan: kung paano sila nagkakilala, nagmahal, umasa, at nasaktan. Kaya ngayong nandito sila muli, mararamdaman mo yung halaga at bigat ng kanilang mga tagumpay at kabiguan.
Isang magandang sorpresa para sa akin si Clyde, na ginampanan ni Kyle Echarri. Hindi siya basta one-note character na madalas nakikita sa mga love triangle. May lalim ang kwento niya, at ramdam mo rin ang journey at motibo kung bakit nya ginagawa ang isang bagay. Sa totoo lang, mahihikayat ka ring mag-root for him, at hilingin na magkaroon din siya ng magandang kahihinatnan.
Hindi ako binigo ng buong produksyon. Umiyak ako sa unang bahagi, pero sa huli, umalis akong may ngiti at may pag-unawa sa pagmamahal. Ang ganda ng aral na iniwan ng pelikula. Ang tanong ng karamihan na kung “Magkakatuluyan ba sila o hindi?” ay para sa akin ay hindi ang tamang tanong na dapat sagutin kundi mas mahalaga kung ang tanong ay kung “Saan ba nanggagaling ay iyong pagdedesisyon, ito ba ay sa pagmamahal o sa takot?” Isang bagay na mas lalo nyong mauunawan kapag napanuood nya ang pelikula.
100 Awit Para Kay Stella ay hindi lang isang ordinaryong sequel — isa itong kwento na may mas malalim na karanasan. Isang pelikulang nakapagbigay ng magandang pagtatapos, nakapagpakita ng bagong pag-asa, at ng mas malinaw na pananaw tungkol sa pagmamahal sa ibang tao at lalo na sa sarili. Inihayag nito na sa buhay, hindi lang naman dapat iisa ang daan, marami pa pwedeng puntahan at lalakbayin. Kaya sana huwag ninyo itong palagpasin.
Mapapanood na ito simula September 10, 2025.
[Abangan ang SPOILER REVIEW ko sa mga susunod na araw]
#100AwitParaKayStella #100TulaParaKayStella #FilipinoMovie #PinoyCinema #BelaPadilla #JCSantos #KyleEcharri #JasonPaulLaxamana #PinoyFilmReview #MovieReviewPH #PinoyRomance #RomanticDrama #NoSpoilerReview

!["Meg & Ryan" [2025]](https://static.wixstatic.com/media/5b6fd3_52c9799b7c624d8c90ea47dc4c103dc7~mv2.jpg/v1/fill/w_600,h_900,al_c,q_85,enc_avif,quality_auto/5b6fd3_52c9799b7c624d8c90ea47dc4c103dc7~mv2.jpg)

!["100 Tula Para Kay Stella" [2017]](https://static.wixstatic.com/media/5b6fd3_14365b25c99b458fa77bc707fb20d7eb~mv2.jpg/v1/fill/w_720,h_1067,al_c,q_85,enc_avif,quality_auto/5b6fd3_14365b25c99b458fa77bc707fb20d7eb~mv2.jpg)
Comments