"100 Awit Para Kay Stella" [2025]
- NeonLights

- Sep 17, 2025
- 7 min read
Updated: Dec 27, 2025
("Salamat ha?, sa pagiging bahagi ng growth ko. Pakiramdam ko walang-wala na akong ibang kailangan sa buhay.") - Fidel

Film
JC Santos, Bela Padilla, Kyle Echarri
Written & Directed by:
Jason Paul Laxamana
Viva Films
==========
MARKA: ⭐⭐⭐⭐.5 / 5
==========
WARNING: SPOILERS
==========
PANIMULA:
Marami akong naging agam-agam noong nabalitaan kong magkakaroon ng sequel ang isa sa mga pelikulang maka-ilang beses kong pinanuod sa sinehan. Andun yun mga katanungan kung kailangan pa bang sundan ang kwento nina Fidel at Stella, at kung masusundan man, andun yung aking pangamba na baka ang kakalabasan nito ay isang pilit lamang para lang masabing may sequel ngunit pagkatapos kong mapanuod ang 100 Awit Para Kay Stella, masasabi kong naging matagumpay ang buong produksyon sa paglalahad ng karugtong na kwento ng dalawang bida. Sa unang bahagi ng palabas, tumutulo na ang luha sa aking mga mata sa pag-alala ng nakaraan kasabay ng saya ng muling pagkita kay Fidel at Stella.
Ano nga ba naganap sa loob ng labing limang taon? Ano ba ang nagbago at nanatili sa mga panahong iyon?
BUOD:
Si Stella, na isa nang matagumpay na organizer ng mga singles event, ay muling nagkrus ng landas kay Fidel matapos ang 15 taon. Bagong hiwalay at takot ng magmahal, muli niyang natagpuan ang koneksyon sa kanyang dating mahal, na ngayo'y lumalayo na mula sa corporate world dahil sa personal na pagsubok. Nang dumating sa eksena ang sumisikat na si Clyde, muling sumiklab ang mga damdamin at bumukas ang mga lumang sugat. Matatagpuan na kaya nina Stella at Fidel ang tamang oras na minsan ay ipinagkait sa kanila?
KWENTO:
Nagustuhan ko ang pagsisimula ng palabas na ginamit ang huling tulang binanggit ni Fidel sa unang pelikula. Doon pa lang, kapansin-pansin na kung paano iningatan ng direktor ang kwentong ito—dahil, sa huli, ang 100 Tula Para Kay Stella ay personal niyang kwento. Maayos din ang naging transisyon mula Tula patungong Awit, at ramdam ang nostalgia factor sa paraan ng paglalahad. Hindi naging cringey ang pagpasok ng bawat kanta sa mga eksena; sa halip, naging intensyonal at pinag-isipan ang paggamit ng mga ito.
Maganda rin ang kabuuang daloy ng kwento. Ang mga hanging questions mula sa unang pelikula ay nabigyan ng maayos na kasagutan sa sequel—tulad ng nangyari kay Von at sa anak nila ni Stella. Ang muling pagkikita ng dalawang bida ay hindi basta-basta; may malinaw na dahilan ang bawat pangyayari. Sa kabuuan, ramdam ang rollercoaster of emotions dahil halos lahat ng emosyon ay naipadama: tuwa, kilig, lungkot, pananabik, at panghihinayang.
Sa talkback session na aking nadaluhan—isang pambihirang pagkakataon kung saan personal kong narinig ang mga sagot mula sa tatlong bida at sa direktor—binanggit na ang 100 Awit ay isang “redemption arc” para kay Stella. Sa 100 Tula, iniwan si Stella na may imahe ng pagiging pasaway, puno ng flaws, at tila ba maraming maling desisyon sa buhay. Sa pelikulang ito naman, binigyan siya ng pagkakataon na ma-redeem ang kanyang sarili at maipakita ang kanyang kabuuang pagkatao.
Pagdating naman sa mga dayalogo, napakaganda ng pagkakasulat at natural ng pagkaka-deliver ng mga karakter. Kahit nasa kasalukuyang panahon ang setting, organic ang paggamit nila ng mga salita, kabilang na ang mga trending terminologies. Hindi ito pilit o pakitang-tao para lang magmukhang “in” sa modernong manonood.
Para sa akin, mahalaga ang bawat eksena sa pelikula—wala ka talagang maitatapon. Isa sa mga tumatak sa akin ay ang eksena ng di pagkakaintindihan nina Fidel at Stella, kung saan sinabi ni Stella na ang insecurity ang nagsisilbing gasolina ni Fidel sa paglikha ng mga kanta o tula. Nakulong si Fidel sa mindset na siya ang laging kawawa o biktima, kaya’t patuloy siyang lumilikha upang may mapatunayan sa sarili at sa iba. Naiintindihan ko kung saan siya nagmumula, lalo’t iniwan siya ng sariling ina. Dahil dito, tumatak sa isipan ni Fidel na may kulang sa kanya kaya siya iniiwan ng mga tao.
SIMBOLISMO:
Maraming simbolismo ang ipinakita sa pelikula at kung isa ka sa mga nakapanood ng una nilang pelikula, tiyak na mapapansin mo ang mga ito.
Isa sa pinakamalaking simbolismo ay ang ulan. Sa 100 Tula, sa ulan huling nagkita sina Stella at Fidel. Ngunit sa 100 Awit, sa ulan din nagtapos ang kanilang kwento—subalit sa pagkakataong ito, isang malaya at bagong Stella na ang iyong masisilayan.
Makikita rin sa pelikula ang tema ng pag-reclaim sa mga sarili ng mga karakter:
FIDEL – Sa mga unang eksena ng 100 Tula, ipinakilala si Fidel habang nagbabasa ng kodigo mula sa kanyang palad, dahil natatakot siyang umutal kapag mahahaba na ang mga pangungusap. Sa 100 Awit naman, ibang Fidel ang ating nakita. Sa harap ng kanyang mga kasamahan sa National Stuttering Association, muli niyang ipinakilala ang kanyang sarili—ngunit sa pagkakataong ito, pinili niyang hindi gumamit ng kodigo. Matapang niyang hinarap ang lahat at, sabi nga niya, “mautal na kung mautal.”
STELLA – Sa 100 Awit, nasilayan ko ang isang Stella na hinubog ng masasamang trauma mula sa kanyang nakaraan. Bagama’t maayos ang kanyang career bilang tagapangasiwa ng mga singles event, dala pa rin niya ang bigat ng kanyang takot at sugat. Ngunit sa dulo, nakita ko ang isang panibagong Stella. Sa kanyang pagharap at pagkokompronta kay Von, ang kanyang abuser, matapang niyang sinabi na wala nang kapangyarihan ito sa kanya. Higit pa roon, natutunan din niyang humingi ng tawad sa kanyang sarili para sa mga maling desisyong nagawa niya noon.
Gusto ko rin yung paraan nila ng pagpapakita ng negatibong epekto ng social media. Sa ilang salita o pagpapalabas ng opinyon, hindi rin natin namamalayan na marami na pala tayong naaapektuhan. Kaya isang paalala ito para sa atin na maging responsable tayo sa kung ano man ang ating sinasabi online.
TAUHAN:
Mahusay na muling naihatid nina JC Santos at Bela Padilla ang kanilang mga karakter. Sa pelikulang ito, dama ko pa rin ang Fidel at Stella na una kong nakilala, ngunit malinaw na marami na rin ang nagbago sa kanila. Gayunman, sa ilang mga sandali, lumilitaw pa rin ang mga sulyap ng dating Fidel at Stella.
Si Fidel, bagama’t isa nang business owner ng kanilang bahay-bakasyunan, ay nanatiling may bahid pa rin ng kanyang dating pagkatao. Siya pa rin ang Fidel na hirap magpahayag ng tunay na damdamin sa taong minahal niya noon, at hindi niya agad namamalayan na nakukulong siya sa toxic mindset ng pagiging biktima lagi sa ganoong sitwasyon.
Si Stella naman, sa kabila ng matagumpay na career bilang isang event organizer, ay dama pa rin na may kulang sa kanya. Isang panghihinayang sa pag-ibig na muntik ng matuloy at pagsisisi sa pananatili sa isang relasyon na wala namang pagmamahal. Kaya eto siya ngayon at mas pinipiling umiwas sa pag-ibig, dala ng takot na muling magkamali.
Pagdating kay Clyde na ginampanan ni Kyle Echarri, aaminin kong may pangamba ako noong una. Naitanong ko sa sarili kung kaya ba niyang panindigan ang papel o kung malalamon siya ng dalawang pangunahing bida. Ngunit napatunayan niyang mali ako. Mahusay ang pagganap niya—isang third party na hindi basta-basta lamang. May lalim ang kanyang karakter at napakahalaga ng naging papel niya sa kwento. Sa huli, hindi mo siya basta matatawag na “mabuti” o “masama,”. Alam mong hindi siya para kay Stella, ngunit umaasa ka pa rin na makahanap siya ng tamang tao para sa kanya. Isa ito marahil sa mga pinakamatagumpay na bahagi ng pagsulat ng tauhan sa pelikula.
Mahusay ding naitampok ang mga minor characters. Sina Andrea Babierra, Nicco Manalo, at PJ Rosario bilang mga kaopisina ni Stella ay naging epektibong mga bagong kaibigan niya na hindi niya natagpuan sa unang pelikula. Samantalang sina Nanette Inventor at Mo Mitchell bilang mga kamag-anak ni Fidel ay nagsilbing voice of reason na patuloy na nagpapaalala sa kanya.
Sa kabilang banda, para sa akin, hindi naging epektibo ang pagganap ni Yayo Aguila bilang ina ni Fidel. Nakulangan ako sa paraan ng kanyang pag-deliver ng kanyang karakter, isang missed opportunity lalo’t mahalaga rin ang kanyang papel sa kabuuang kwento.
SINEMATOGRAPIYA:
Kapuri-puri ang consistency ng produksyon sa muling pagbabalik sa mga mahahalagang lugar mula sa 100 Tula. Muli kong nasilayan ang dati nilang eskwelahan at bawat sulok nito kung saan naganap ang ilang makabagbag-damdaming eksena, gayundin ang Bundok Arayat na nagsilbing mahalagang bahagi ng kwento nina Fidel at Stella. Bukod dito, naging epektibo rin ang pagpili ng mga bagong lokasyon sa sequel, tulad ng sa Tanay na nagbigay ng panibagong kulay, alaala at lalim sa kabuuang pelikula.
TEKNIKAL:
Epektibo ang paggamit ng ilaw sa bawat eksena—tila may kakaibang liwanag na nagbibigay ng sparkle o glow sa kabuuan ng pelikula. Malinis din at kaaya-aya ang color grading. Kung sa 100 Tula ay ramdam ang early 2000's setting, malinaw namang naipakita sa 100 Awit na ito ay naka-set sa kasalukuyan, naipapakita lalo sa paraan ng pag-iilaw at kabuuang mood ng pelikula.
Pagdating naman sa musika, napakahusay ng pagpili at pagkakalagay ng bawat awitin, lalo na ng buong OST album ng pelikula. Kasama rito ang:
"Kumusta Na"
"Simoy"
"Nakupo"
"Lipstick na Itim"
"Iisang Daan"
"Balisong"
Ramdam ang bawat tunog at liriko, higit pa sa husay ng pagkaka-awit nina Rob Deniel at Kyle Echarri. Ang bawat kanta ay tila may kaakibat na alaala, kaya’t naibabalik nito ang sariling karanasan sa pag-ibig ng mga manonood.
May ilan na nagsabing hindi maganda ang pagkaka-edit ng pelikula dahil sa biglaang pasok ng mga kanta, na para bang napuputol ang ilang mga sandali sa eksena. Ngunit para sa akin, kabaligtaran ang epekto. Ang bawat awitin ay nagbigay ng mas malinaw na diin at mas matinding emosyon sa mga eksenang nilalagyan nito.
ARAL:
Pagdating naman sa mga aral na aking nakuha mula sa pelikula, ito ang ilan sa mga tumatak sa akin:
Minsan, kailangan mong bitawan ang pagmamahal na inakala mong para sa’yo upang matutunan mong unahin at mahalin muna ang sarili mo. Kailangan mo munang maging buo at handa bago muling magmahal.
Minsan, hindi mo rin talaga kailangan ng ibang tao para maging masaya. Dapat sapat ka na sa sarili mo upang hindi ka umasa sa validation at approval ng iba.
Huwag tayong makulong sa sarili nating ideya o pantasya tungkol sa pag-ibig. Mahalaga na tanungin natin ang sarili: totoo ba ang pagmamahal na nararamdaman natin para sa isang tao, o mahal lang natin ang ideya ng pagkakaroon ng karelasyon.
Honesty really pays off. Hindi mo kailangang magsinungaling para mahalin ka ng iba. Kung magiging totoo ka sa iyong sarili, ang tunay na magmamahal at susuporta sa’yo ay mananatili.
Ipinakita rin ng pelikula na kahit ano pa ang mangyari sa buhay, saan ka man mapadpad, babalik at babalik ka pa rin sa iyong passion. Mahusay itong naipakita sa dulo ng pelikula—lalo na sa credits—kung saan muling tumugtog ng gitara at kumanta si Stella habang suot ang kanyang itim na lipstick.
PAGWAWAKAS:
Epektibo. Napakaganda. Buo at kumpleto. Iyan ang ilan lamang sa mga salitang maaari kong maisalarawan para sa 100 Awit Para Kay Stella. Hindi ito basta simpleng love story. Ito ay kwento ng healing, growth, at ng katotohanang madalas, ang pag-ibig na inaakala nating makakapagkumpleto sa atin ay hindi pala ang tunay na makakasagot sa ating mga “what ifs.” Sa huli, mas mahalaga pa rin na tayo mismo ang matutong magmahal sa ating sarili—isang pag-ibig na hindi kailanman nakadepende sa iba.
Sa tatlong beses kong panonood ng pelikulang ito, tatlong beses din akong lumuha. Napaka-natural ng mga eksena, ng mga sitwasyon, at ng bawat pagkakataon. Kaya’t hangad kong mas marami pa ang makapanood nito. Sapagkat ang pelikulang ito ay hindi lamang nagtatanong ng “Magkakatuluyan kaya sila?” kundi nag-iiwan din ng mas malalim na tanong: sa bawat desisyon, ano ang pinapairal mo—pagmamahal o takot?
#100AwitParaKayStella #100TulaParaKayStella #MovieReview #FilmReview #Cinephile #MovieLover #FilmCommunity #PinoyMovies #PelikulangPilipino #PhilippineCinema #PinoyFilm #LoveAndHealing #MovieFeels #FilmQuotes #MovieDiscussion #PinoyMovies #BelaPadilla #JCSantos #KyleEcharri #FilipinoCinema #PinoyPride

![NON-SPOILER REVIEW: "100 Awit Para Kay Stella" [2025]](https://static.wixstatic.com/media/5b6fd3_0824de073781484eb2e9dbf10a9c6293~mv2.png/v1/fill/w_980,h_1386,al_c,q_90,usm_0.66_1.00_0.01,enc_avif,quality_auto/5b6fd3_0824de073781484eb2e9dbf10a9c6293~mv2.png)
!["100 Tula Para Kay Stella" [2017]](https://static.wixstatic.com/media/5b6fd3_14365b25c99b458fa77bc707fb20d7eb~mv2.jpg/v1/fill/w_720,h_1067,al_c,q_85,enc_avif,quality_auto/5b6fd3_14365b25c99b458fa77bc707fb20d7eb~mv2.jpg)
Comments