#011 - So, Ano Na?
- NeonLights

- Feb 14, 2021
- 1 min read
Updated: Aug 18, 2025

Eto ka na naman,
Palipat-liipat ng pwesto sa kama.
Tatagilid.
Dadapa.
Titihaya.
Hindi malaman kung saan mananatili.
Alam ko.
Nasaktan ka na naman.
Hindi nasuklian.
Walang narinig na paliwanag o dahilan.
Natapos na lang ng biglaan.
Sino kaya yung bago nya?
Kilala ko ba? O isang tao na akala ko wala lang?
Click doon,
Click dito.
Search doon,
Search dito.
Pilit na pinagdudugtong-dugtong ang mga naganap.
Saan kaya sila nagkilala?
Sa facebook?
Instagram?
Messenger? Bahala na.
Kakausap ng mga taong pareho naming kilala.
Upang gawing tulay makakuha lamang ng sagot sa kanya.
Dahil sa totoo lang.
Gusto mo mapunan ang butas na iniwan.
Para sa mga matang lumuluha.
Para sa pusong umaasa.
Ngunit pagkatapos ng lahat ng ito.
Ano na susunod?
Saan ka na ulit tutungo?
Magpapalunod ka na lamang ba sa mga nababasang hugot?
Ano na ang susunod?
Pagkatapos ng iyong pag inom at pagkahilo?
Makukuntento ka na lamang ba sa apat na sulok ng iyong kwarto?
Paano na ang mga pangarap na isinantabi?
Paano na ang mga pangako sa sarili?
Kakalimutan na lang ba dahil sa naranasang sakit?
O gagawin itong daanan upang bumangong muli?
Pakawalan ang sarili sa lahat ng ito.
Sa totoo lang, hindi basta-basta limutin ang inakalang pagmamahal.
Malulungkot, magagalit, papalipasin ang gabi.
Basta huwag kalimutan ang sarili.
Sa muling pagsilip ng araw,
Makita mo sana ang bagong ikaw.
Mas matapang, mas matatag.
Muling ngingiti, hindi na magpapatinag.
Damhin ang sariwang hangin.
Sa mga bagong pagsubok na muling haharapin.
Ito na ang iyong simula.
Manalig.
Magtiwala.
At sa huli, ang tagumpay mo ay matatamasa.




Comments