#008 - Sana Dalawa Na Lang Ako
- NeonLights

- Jul 3, 2020
- 1 min read

Sana dalawa na lang ako. Upang mapansin ang maling ugaling nakakaapekto na sa iba. Ugaling hindi kaaya-aya, ngunit pinagpapatuloy ng kusa.
Sana dalawa na lang ako. Para sa gitna ng kalungkutan ay may makakapagsabi paring maganda ang paligid. Meron paring pag-asa, at mananatiling kaakit-akit.
Sana dalawa na lang ako Upang mapayuhan ang sarili kapag nasa maling relasyon. May magsasabing kailangan mo nang umalis. At ang sarili naman ang bigyan ng atensyon.
Sana dalawa na lang ako. Para sa panahon ng pag-iisa at pagsasarili ng tunay na nadarama
ay meron paring makakasama. May pipigil kapag ang sarili ay sinasaktan na,
may yayakap at magsasabing "Tama na".
Sana dalawa na lang ako. Dahil sya lamang makakaintindi ng lungkot sa likod ng pagtawa. Makakarinig ng mga salitang hindi binibigkas ng labi. Kundi sinisigaw ng pusong pagod na sa pagsabi.
Sana naging dalawa na lang ako. Upang ang pangungumusta ay sinsero at totoo. At hindi basta naisip lang para masabing nagawa ko na ang parte ko.
Ngunit ang totoo, Isa lang ang taong katulad ko. Walang ibang aasahan Sarili ang unang matatakbuhan
Kaya matutong harapin ang katotohanan. Patuloy lang sa pag laban. Huwag makulong sa iyong isipan, Dahil ikaw ang gagawa ng sariling kapalaran.




Comments