#004 - Tugon
- NeonLights

- Jan 19, 2020
- 1 min read
Updated: Apr 13, 2020

Iba-iba ang naranasan.
Iba-iba ang pinagdadaanan,
Kaya sana ay maunawaan.
Alam ko na hindi lang ako ang nakakaranas nito.
Marami pa dyan marahil mas matindi pa ang
suliranin kaysa sa akin.
Ngunit ano ang magagawa ko,
kung ito talaga ang sa akin?
Bakit parang ang dali lang sa iba sabihin kung ano ang gagawin,
Na para bang hindi nila naiintindihan ang tunay mong naisin.
Bakit parang ang hirap nilang makuha ang gusto mong sambitin,
Na kung sa kanila ay ganoon lang kasimple, na kayang-kayang palagpasin.
Madaling sabihin na maging masaya ka, sa kung anong meron ka.
Piliin mo lumigaya, pakinggan ang tinig ng iba.
Magpasalamat imbis na magmukmok,
Huminahon sa halip na malugmok.
Sa gulo ng aking isip, sa paulit-ulit na pagkabalisa,
Nalimutan ko na paano nga ba sumaya, na hindi nababahala.
Oo, nagpapasalamat naman ako,
Pero bakit nararamdaman ko parin ang pag-iisa dito.
Sabi sa isang sipiin na aking nabasa,
Na ang mga taong gustong tapusin ang buhay nila,
Ay gusto lamang matigil ang sakit na kanilang nadarama.
Pag-aalala, pagkabalisa, at pag-iisip ng kung anu-ano pa.
Ang paulit-ulit na pagtatanong,
Ang patuloy na pangamba.
Na para bang isang pelikula
Na patuloy sa pag rewind, na patuloy sa pagdaluyong.
Kaya huwag mong sasabihin na mabilis itong solusyunan.
Sa isang pitik lang,
sa iilang mga salita lang.
Dahil ang katotohanan, hindi ko na rin alam.
Gusto ko na rin itong matapos,
Ayoko nang magpagapos.
Gusto ko na itong wakasan.
Tumakas na sa kawalan.




Comments