#003 - Unan
- NeonLights

- Jan 14, 2020
- 1 min read
Updated: Apr 13, 2020

Hindi ko na mabilang kung ilang beses naging saksi ang aking unan sa gabi-gabing kong pag-iisip. Bawat pwesto, bawat anggulo, akin nang sinubukan. Umaasang ang antok ay dumalaw ng tuluyan.
Ngunit wala.
Kaya babangon ka muli, titingin kung may bago kang mensahe, umaasang meron silang masasabi..
Ngunit wala.
Sa puntong ito, uupo ka na lamang sa likod ng pintuan habang nakasandal ang iyong ulo, nakatingin sa pader, tulala, umaasang may maisip na kadahilanan ng kanilang pananahimik..
Ngunit wala.
Hanggang sa mapansin mong dalawa, tatlong oras ka nang nakaupo, manhid na ang pakiramdam. Sinisisi ang sarili sa mga bagay na nagawa o hindi nagawa, mga bagay na sinabi o hindi nasabi. Umaasang meron mang makapansin sa iyong katahimikan.
Ngunit wala.
Kaya ilalapat muli ang likod sa kama. Babalutin ng mga braso ang tanging bagay na makakapagparamdam sayo ng seguridad sa mga oras na yun. Sa unan mo na lang kukunin ang karamay na hinahanap mo.
Sa bawat minutong lumilipas, unti-unting nag-iiba ang iyong yakap.
Mas madiin. Mas malalim. Mas mahigpit.
At dun muling pabulong na isisigaw ang nais sabihin ng isip at nararamdaman ng puso.
At ito pala ang magiging dahilan ng iyong paghina. Hanggang sa bumigay ang mga mata na napagod narin sa pagluha.
Makukuntento ka na lamang sa dilim ng kawalan, sa panaginip na ayaw mo nang takasan.
Dahil kahit doon. Kahit doon man lang maramdaman ang saya na iyo nang nakalimutan.
Sana nga.
Ngunit wala.




Comments