"I'm Drunk, I Love You" [2017]
- NeonLights

- Dec 22, 2025
- 7 min read
Updated: Jan 26
("Mahal kita. Dio, mahal kita. Mahal kita 7 years na. 7 years na kitang mahal... 7 years..." - Carson to Dio)

Film
Maja Salvador, Paulo Avelino
Dominic Roco, Jamine Curtis-Smith
Written by: JP Habac, Giancarlo Abrahan, Shayne Guevara
Directed by: JP Habac
TBA Studios, Tuko Film Productions,
Buchi Boy Films
==========
RATING: ⭐⭐⭐ / 5
==========
🚨SPOILERS AHEAD🚨
BUOD:
Ilang araw bago ang pagtatapos, dalawang matalik na magkaibigan sa kolehiyo ang naglakbay sa isang huling roadtrip, kung saan hinarap nila at inamin ang tunay nilang nararamdaman para sa isa't isa. Ngunit malinaw mula sa simula na hindi ito isang love story.
KWENTO:
Marami na sigurong pelikula ang ating napanood na umiikot sa kwento ng magkaibigang unti-unting nahuhulog ang loob sa isa’t isa. Mga klasikong halimbawa na rito ang mga kwento nina Ned (Marvin Agustin) at Bujoy (Jolina Magdangal) sa "Labs Kita, Okey Ka Lang", pati na rin nina Mae (Kim Chiu) at Bogs (Gerald Anderson) sa "Paano na Kaya". Sa mga pelikulang ito, hindi maikakailang maraming Pilipino ang tinamaan dito, marahil dahil tulad nila ay minsan na rin tayong dumaan sa ganitong sitwasyon. Sabay-sabay tayong umasa at nanghinayang sa mga “what if” ng mga pangunahing tauhan, iniisip kung hanggang saan sila dadalhin ng kanilang nararamdaman.
Hindi kaibahan dito ang I’m Drunk, I Love You sa ganitong klaseng trope na pinagbibidahan nina Maja Salvador (bilang Carson) at Paulo Avelino (bilang Dio). Ngunit sa muli kong panonood ng pelikula ito, napagtanto ko na may malinaw itong pagkakaiba sa mga naunang pelikulang aking nabanggit. Masasabi kong mas “tahimik” ang naging pagtrato nito sa kwento. Hindi ito over-the-top, hindi maingay, at hindi rin umasa sa mga eksenang paulit-ulit na nating nakikita sa mga pelikula ng parehong genre.
Sa sobrang natural ng pagkakalahad ng kwento, pakiramdam ko’y isa rin ako sa kanilang barkada, isang estudyante sa UP na malapit na ring magtapos at tahimik na nakamasid sa mga pangyayaring nagaganap. Napansin ko rin kung gaano kasensitibo ang pelikula sa damdamin ng mga tauhan. Sa mga nuances at ilang mga tahimik na mga eksena, lalo na kay Carson, ramdam ko ang bigat ng kanyang pitong taong paghihintay para sa isang pag-ibig na hindi kailanman nasabi. Kitang-kita rin sa kanya ang taong magmahal ng isang kaibigang nasa harap mo lang, ngunit hindi mo magawang masabi ang nais mong ipahayag.
Sa kabuuan, ang I’m Drunk, I Love You ay masasabi kong isa itong paglalakbay. Hindi ng mga bida kundi paglalakbay ng isang damdamin na kinakailangan ng humantong sa katapusan. Masuklian man ito o hindi, ang mas mahalagang tanong ay kung handa ba ang isang tao sa kung ano man ang kahihinatnan ng kanyang pag-amin.
SIMBOLISMO:
Sa isang episode ng Ang Walang Kwentang Podcast, kung saan isa sa mga host ay si JP Habac—ang direktor ng pelikulang ito—nabanggit niya ang isang mahalagang tanong: sa pagtatapos ni Carson ng kolehiyo, magtatapos din ba ang kanyang nararamdaman para kay Dio? Para sa akin, napakawasto ng tanong na ito. Isang malinaw na representation nito ay sa pamamagitan ng butterball na candy na ilang beses na nabanggit sa pelikula.
Sa mga unang bahagi, mapapansin na ilang beses humihingi si Carson ng butterball candy kay Dio. Kung bibigyan ko ito ng mas malalim na kahulugan, nagsisilbi itong simbolo ng pagkaka-attach ni Carson kay Dio. Para bang ipinapahiwatig nito na kahit hindi napapansin ni Dio ang damdamin ni Carson na higit pa sa pagkakaibigan, kahit papaano ay nasusuklian niya ito sa simpleng pagbibigay ng candy. At sa bawat pagkakataong iyon, lalo lamang niya napapalakas ang pag-asa ni Carson.
Ngunit sa bandang huli ng pelikula, sa tahimik na eksena ng kanilang pag-iinuman sa balcony, muling inalok ni Dio si Carson ng butterball candy ngunit sa pagkakataong ito, tumanggi na siya. Isang simple ngunit makapangyarihang pahiwatig ito na sa puntong iyon, maaaring napagtanto na ni Carson, o mas pinili na niyang bitawan, ang damdaming matagal niyang kinimkim sa kaibigan.
TAUHAN:
Maja Salvador (Carson)
Masasabi kong mahusay ang naging pagganap ni Maja Salvador sa kanyang papel. Ramdam ko ang matinding pagnanais ng kanyang karakter na maipahayag ang sariling damdamin, ngunit kasabay nito ang takot at pag-aalinlangan kung paano ito sasabihin. Malinaw din ang mga pangamba ni Carson tulad ng kung ano ang magiging reaksyon ni Dio sakaling malaman niya ang katotohanan. Ang karakter ni Carson ay ipinamalas nang napakanatural, bagama’t napaisip din ako na maaari ring bumagay ang ganitong uri ng papel kay Bela Padilla. Gayunpaman, hindi maikakaila ang galing at lalim na ibinigay ni Maja sa karakter.
Isa sa mga tumatak sa akin na sandali sa pelikula ay ang eksenang sa gitna ng kanyang pagkalasing ay tuluyan na niyang inamin ang kanyang nararamdaman kay Dio. Ramdam ko ang sandaling ito lalo na malinaw kong naunawaan ang pinagdadaanan ni Carson—na matapos ang pitong taong pagtatago ng damdamin, dumating na siya sa puntong iyon na marahil ay nagawa niya sa pagaakalang wala na siyang ibang pagkakataon pa kaya niya ito nasabi. Sa eksenang iyon, dama rin ang unti-unting realization ni Carson sa katotohanang matagal na pala niya itong kinikimkim. Ang pag-aming ito ay maaaring dulot ng impluwensiya ng alak, o ng bigat ng katotohanan na malapit na siyang magtapos at sa posibilidad na hindi na niya muling makakasama si Dio. Para sa akin, isa itong simple ngunit makapangyarihang sandali.
Paulo Avelino (Dio)
Sa pagganap ni Paulo Avelino bilang Dio, naalala ko ang ilan sa aking mga kaklase na may ganitong ugali, mga tao na alam ng karamihan na maraming taong may gusto sa kanila, ngunit dedma lang o hindi nila ito binibigyan ng pansin. Sakto si Paulo Avelino sa karakter na ito. Mahusay siya sa mga papel na may pagka-suplado o hindi masyadong namamansin, kaya madali lang para sa kanya ang ganitong role. Ngunit kung may bago akong napansin sa pelikulang ito, iyon ay ang kanyang talento sa pag-awit. Kapansin-pansin sa pelikula na mas marami siyang eksena kung saan naipakita niya ang kakayahang ito.
Tulad ni Carson, ang pinakatumatak na sandali ni Dio ay sa parehong eksena na tinalakay ko kanina. Nang malaman niya na tuluyan nang inamin ni Carson ang kanyang damdamin, andoon ang kanyang pagkabigla. Ngunit sa halip na i-dismiss ito, lumapit siya at humalik. Sa puntong iyon, kapansin-pansin na ang halik ni Dio ay hindi dahil sa pagtugon sa pag-ibig na ibinigay ni Carson, kundi isang halik ng pasasalamat, na para bang sinasabi niyang, “Hindi mo kailangang mahiya sa nararamdaman mo.” Ngunit hindi iyon ang nais ni Carson, kaya sa dulo, marahan niyang inalis si Dio at umalis.
Mahusay na naipakita ni Paulo Avelino ang eksenang iyon. Napaka-sensitibo at malumanay ang kanyang pagganap, kaya naging epektibo at makatotohanan ang naipakitang emosyon.
Dominic Roco (Jason Ty)
Ang nagustuhan ko sa pagganap ni Dominic dito ay hindi niya ginawa ang karaniwang trope ng isang gay friend na over-the-top at maingay. Sa aking nakita, naipakita niya ang isang tipikal at matured na kaibigan na nandiyan lang para suportahan si Carson. Bagama’t may mga pagkakataong pinaaalalahanan niya ang kaibigan sa katotohanan ng sitwasyon, hindi niya pinilit ang gusto niyang mangyari. Alam niya na sa huli, ang desisyon kung sasabihin ba ni Carson ang totoong nararamdaman niya ay nasa kamay niya mismo. Siya ang naging voice of reason dito.
Jasmine Curtis-Smith (Pathy)
Sa kabilang banda, sa aking opinyon, puwede pang ma-improve ang karakter ni Pathy. Parang sa karamihan ng kanyang eksena, hindi ko masyadong naramdaman ang kanyang presensiya. Hindi ko alam kung intensyonal iyon o hindi, ngunit sa aking panonood, pakiramdam ko ay puwede pa siyang makapagbigay ng mas may lalim na pagganap. Kahit sa eksena kung saan ibinahagi niya ang nakaraan nilang relasyon ni Dio, wala talaga itong gaanong impact sa akin. Hindi ko sinasabing hindi siya mahusay na aktres—ang ibig kong sabihin ay puwede pa niyang i-deliver ang higit pang emosyon, o kaya naman ay puwede pang palalimin ang kanyang karakter bilang Pathy.
Other Notes:
Nais kong purihin ang mga bida sa kanilang pag-arte matapos ang gabi ng pag-amin ni Carson sa kanyang nararamdaman. Tunay at natural ang awkwardness sa kanilang dalawa. Muli, hindi ito over-the-top. Para bang tuloy lang ang buhay pagkatapos ng pangyayaring iyon. Natutuwa ako na malinaw na ipinakita ng pelikula ang bahaging ito. Minsan kasi, inaasahan ng iba na mas magiging dramatic ang eksena o may mga mabibigat pang linya na mababanggit, ngunit dito, sa pamamagitan lamang ng katahimikan at maliliit na nuances ay mas marami ng naipahayag ang mga karakter.
SINEMATOGRAPIYA:
May ilang anggulo sa pelikula na nagbigay ng mas intimate na pakiramdam. Ang mga close-up shots, lalo na sa mga eksena sa kotse, ay para bang kasama ka rin nila sa kanilang paglalakbay. Maliban dito, isa ko pang nagustuhan ay yung handheld shots sa simula ng pelikula. Maaaring hindi ito magustuhan ng iba ngunit kung ako ang tatanungin, mas naging makatotohanan ang naging kinalabasan nito. Sa ganitong approach ay nakapagbigay ito sa manonood ng pakiramdam ng mas buong koneksyon sa mga karakter.
TEKNIKAL:
Dapat na purihin ang production team sa mahusay nilang paggamit ng mga awit sa pelikula. Maganda ang pagkaka-integrate ng mga ito sa takbo ng kwento at akma talaga ang mga ito sa bawat bahagi. At siyempre, ang Burnout ng Sugarfree bilang ending song ay saktong-sakto kaya natutuwa ako na na-ipreserve ni JP Habac ang kantang ito, sa kabila ng pagkakaroon lamang ng limitadong budget
ARAL:
May hangganan ang pagpapakatanga. Minsan, hindi na natin kailangan ng ibang tao para sabihan tayo nito. Tayo na mismo ang makakakita na may mga tao sa ating buhay na hindi kayang suklian ang ating nararamdaman. Kailangan nating maunawaan na may mga tao na maaaring magmahal sa atin sa abot lamang ng kanilang makakaya—maaaring hindi ito sapat, ngunit iyon lang talaga ang kaya nilang ibigay, at kailangan nating tanggapin iyon. Kapag natanggap natin ito, doon tayo magkakaroon ng lakas upang mapalaya ang ating mga sarili.
Isa pang aral na nakuha ko ay galing sa eksena kung saan bumalik si Carson mula sa La Union at nakita ang kanyang graduation attire na inihanda ng kanyang ina sa kama. Nang makita niya ito, tuluyan siyang umiyak sa kanyang mga bisig. Sa eksenang iyon, ang lahat ng kanyang pagpapanggap na okay lang siya, lalo na nang ma-realize niyang hindi maibabalik ni Dio ang kanyang nararamdaman ay tuluyang nawala sa presensya ng kanyang ina.
Ang eksenang iyon ay nagpapaalala sa akin na kahit ilang beses pa tayong magpanggap sa ibang tao, ang ating mga ina lamang ang tanging tao na kung saan maari tayo maging totoo. Sa tuwing tayo’y nasasaktan o nalulungkot, nandiyan lamang sila para sa atin. Na-appreciate ko kung paano pinahintulutan ni Angie (ginampanan ni Irma Adlawan) ang kanyang anak na umiyak nang walang tanong at hinayaan lamang niya itong umiyak sa kanya.
PAGWAWAKAS:
Gustung-gusto ko kung paano ipinakita ng I’m Drunk, I Love You ang isang karaniwang kwento ng isang taong lihim na umiibig sa kanyang bestfriend, na may kasamang maturity sa pagtalakay nito. Ang mga linya ay akma sa kanila, at ang mga eksena ay malinaw na sumasalamin sa tunay na buhay.
Ang paggamit ng alak sa pelikula ay nagsisilbi tulay upang maipahayag ang totoong damdamin at intensyon ng isang tao. Dahil dito, nananatiling malapit ang pelikulang ito sa madla at nagsisilbing go-to films para sa mga taong nakaka-experience ng parehong sitwasyon.
"I'm Drunk, I Love You" ay available na sa Netflix
#ImDrunkILoveYou #IDILY #JPHabac #MajaSalvador #PauloAvelino #FilipinoMovies #PinoyRomCom #UnrequitedLove #BestfriendToLover #ComingOfAge #ButterballCandy #SugarfreeBurnout #NetflixPH #PinoyFilmReview #LoveAndFriendship #EmotionalJourney #RealisticDialogues #RomanticFilmPH #PinoyFilmLovers #CinemaWithHeart #IDILYNetflix #FilipinoRomance #MustWatchPH #FilipinoStorytelling

!["Third World Romance" [2023]](https://static.wixstatic.com/media/5b6fd3_fdd6d25637f64230a9973e92844559e3~mv2.jpg/v1/fill/w_980,h_1416,al_c,q_85,usm_0.66_1.00_0.01,enc_avif,quality_auto/5b6fd3_fdd6d25637f64230a9973e92844559e3~mv2.jpg)
!["Sana Sinabi Mo" [2025]](https://static.wixstatic.com/media/5b6fd3_645c253725cf491caa7af23679d44249~mv2.jpg/v1/fill/w_980,h_1225,al_c,q_85,usm_0.66_1.00_0.01,enc_avif,quality_auto/5b6fd3_645c253725cf491caa7af23679d44249~mv2.jpg)
!["My Love Will Make You Disappear" [2025]](https://static.wixstatic.com/media/5b6fd3_33bfbcbe9d44469a9858cba6757bdab4~mv2.jpg/v1/fill/w_980,h_1228,al_c,q_85,usm_0.66_1.00_0.01,enc_avif,quality_auto/5b6fd3_33bfbcbe9d44469a9858cba6757bdab4~mv2.jpg)
Comments