top of page

"ALAB"

  • Writer: NeonLights
    NeonLights
  • May 28, 2024
  • 2 min read

Updated: Aug 18, 2025

Bilang isang sheltered kid nung bata, hindi ako nagkaroon ng pagkakataon na makakilala ng maraming kaibigan. Maliban sa takot sa pangungutya ng mga kaklase at panghuhusga, hindi ko nagawang maipakita ang aking mga saloobin, kagustuhan at mga opinyon.


Kaya madalas, lahat na lang ng aking mga pangarap, galit, tuwa, at lungkot ay sinasarili na lamang. Hanggang sa nakilala ko ang ilan sa mga karakter sa telebisyon. Doon ako nagsimulang tumakas sa realidad at inilagay ang sarili sa bawat kwento ng aking pinapanuod. Mula sa mga educational shows, teleserye, komedya, hanggang sa nadala ko ang pagtakas na ito sa panunuod ng pelikula at entablado. Oo, magiging hipokrito ako kung sasabihin ko na hindi ko pinangarap maging artista. Magkaroon ng iba't ibang mga karakter at maganap ang mga pangyayari na gusto kong i-act out.


Ngunit walang direktor ang magsasabi ng "CUT!" sa totoong buhay. Meron tayong mga problemang kinakaharap kaya ang pangarap na yun ay mananatiling pangarap na lamang na maaga ko namang tinanggap.


That was 2006. Kaya hindi ko akalain na yung alab na yun na matagal ng naapula ay muling sisindi sa aking kalooban nang nakita ko ang Acting Workshop ng nag-iisang Malou de Guzman. Noong una, kinabahan ako, ngunit sa kabila ng kaba, takot at pag-aalinlangan, mas nanaig ang boses ng batang ako na ituloy at tuparin ang pangarap nyang matagal ng hindi pinapakinggan.


Pumasok ako sa workshop na ito bilang isang estudyante, ngunit lumabas ako na may kumpiyansa sa sarili, nagkaron ng iba't ibang pananaw base sa kwento ng aking mga kasama, natutunan ang iba't ibang mga pamamaraan sa pag-arte at mas malalim na pagmamahal dito.


Hindi ito pangkaraniwang workshop.


Dito ako naging totoo sa sarili ko.

Walang panghuhusga, walang pangungutya.


Dito ako naging MALAYA.








Comments


 Subscribe to future posts

©2019 by Neonsreflection. Proudly created with Wix.com

  • facebook
  • Instagram
bottom of page