top of page

"JAB"

  • Writer: NeonLights
    NeonLights
  • Aug 8, 2020
  • 4 min read

(salamat sa pagkakaibigan kahit panandalian lamang...)


Bago ko pa simulan lahat ng ito, gusto muna kitang batiin ng Maligayang Kaarawan kahit ilang araw na ang nagdaan makalipas ang opisyal na selebrasyon ng iyong kapanganakan. Sana nga ay hindi pa huli ang aking mensahe. Hanggang ngayon, di ko parin maisip yung mga naganap noong isang taon kumpara sa ngayon. Noon, kumakain pa tayong lahat ng paborito mong ramen. Ngayon, mag-isa ko na lang pwedeng gawin yun. Dati, nasasakyan ko pa yung mga patawa mo. Mga patawa na hindi ko na naririnig ngayon. Kung dati madalas pa tayong nag-uusap ngunit ngayon halos limot na natin ang isa't-isa.


Sa totoo lang, hindi ko parin alam kung anong mararamdaman kapag muli kitang makausap. Gusto kong mainis at sabihin lahat ng mga pagkakataon na naramdaman kong isinantabi mo ko. Gusto kong sabihin sayo na lagi tayong hindi nagkakasundo dahil masyadong malakas ang personalidad mo sa akin. Kaya minsan, hindi kita madalas kinakausap. Kumpara sa akin na mahina kaya siguro hindi mong matiis na makasama ako ng matagal.



Gusto kong sabihin sa'yo na masakit parin hanggang ngayon yung katotohanan na iniwan mo pa rin ako sa ere sa una kong pagpunta sa PGH. Masakit parin dahil ilang beses mong pinaalala sa akin at pinangako na sasamahan mo ko pero dahil lang sa isang hindi pagkakaintindihan, kinain mo agad lahat ng sinabi mo. Bakit ba ang dali para sa'yo na iwanan ako? Dahil ba hindi mo ko masyadong ka-close? Paano kaya kung si Ron ang nasa sitwasyon ko? O kaya si Staecy? Iiwanan mo din kaya sila?


Gusto kong sabihin sayo noong nagpapahayag ako ng saloobin isang linggo ng Pebrero kung paano mo pinamukha na wala akong karapatang masaktan at kung paanong hindi "na-validate" ang aking nararamdaman sa pamamagitan ng pagsasalaysay ng iyong nakaraan. Hindi naman ito paligsahan kung sino may pinaka-mabigat na pinagdaanan. Sinasabi ko kung ano ang nararamdaman ko DAHIL yun yung sinabi mong gawin ko. At dahil sa ginawa mo, nangliit ako at ako pa dapat ang humingi ng pasensya.


Pero nung naramdaman ko na ako na ang nagiging mali, mahinahon akong sumagot. Ngunit ano ang iyong tugon? Ang sabi mo, hindi "makakatulong" ang mga binabasa at pinapanuod ko. Ngunit hindi mo alam na ilan lamang iyon sa paraan nakikita ko para MAS MAITINDIHAN ang aking sarili. Pero sa pangalawang pagkakataon, na balewala ulit ako. Kaya sa huli, kung sa tingin mo ay may solusyong nangyari, sa totoo lang... wala... dahil mas pinili kong hindi na lumaban. Hindi na ako muling nagsalita. Dahil sa puntong iyon, pagod na akong makipagtalo kung nahusgahan na pala ako bago ko pa ibuka ang aking bibig.


Paano ako mangangatwiran kung may sagot ka na sa lahat ng bagay? Paano ako mapapakinggan kung saglit mo lang binuksan ang mga tenga mo pagkatapos ay sinara mo na ng tuluyan?


Pwede bang kahit minsan, makinig ka na lang muna? Kelan kaya ako makakapagsalita ng walang panghuhusga mula sayo?



Ngunit sa kabila ng lahat... Paano ko nga ba maitatawid ang mensaheng ito kung sa kabila ng lahat ng nagawa mo, naramdaman kong ginawa mo parin ang iyong makakaya. At kahit hindi mo ko naintindihan, pinilit mo parin maunawaan ang lahat.


At nung nalaman mong kailangan nang seryosohin ang aking kondisyon, humingi ka ng tawad - na malugod kong tinanggap.


Nanghingi ako ng panahon, binigay mo ito. Lumayo ako ngunit pinapangumusta mo parin ako. At ng nagka-isyu kami ni Fort... Pinakinggan mo ko.


Pero andoon parin ang realidad na napapagod din ang tao. Nagsasawa. Sumusuko. Kailangang magpahinga. At alam kong dumating ka na rin sa puntong iyon - at marahil lahat na rin sila.


Kaya nga nakaya mong hindi ako makausap ng tatlong buwan. Tatlong buwang na pinaramdam mo na hindi kita maaaring kausapin dahil gusto mong sabihin ko sa pamilya ko ang isang kondisyon na hindi pa kong handang sabihin. Isang pagpupumiliit kung saan nakasaalang-alang ang pagkakaibigan natin.


Hindi ko iyon nagawa. Hindi na kitang inistorbo pa.


Tatlong buwan kong naramdaman na muli akong nag-iisa. Walang makausap. Walang katawanan. Ilang beses kong naisip na kamustahin ka at ang grupo. Ilang beses na paiba-iba ang desisyon.


"Paano kung wala nang magtyagang makinig sa akin?"


"Paano kung hindi na ako tanggaping muli?"


"Paano kung mag-iba na ang pakikitungo sa akin?"

(Sabagay, hindi ko rin naman sila masisisi)


Dahil sa totoo lang, masakit mawalan ng kaibigan. Pero mas masakit makita na nakangiti sila sayo pero alam mong pinag-titiisan ka na lang.


At di ko na kakayanin pang muling maramdaman yon.


Sa muli mong pangungumusta, anong gusto mong isagot ko? Kapag sinabi kong meron pa rin akong depresyon, anong itutugon mo?


Tatlong buwang pananahimik muli?

O mga mabubulaklak na salita upang ako na ang manahimik?


Kaya sa kahulihulihan, gusto kong humingi ng pasensya.


Pasensya dahil hindi ako kasing lakas ng inaakala mo. Na hindi ako kasing tapang ng inaasahan mo.


Pasensya kung mababaw lang ang kadramahang ito para sa iyo.


Pasensya kung napagod ka na.


Pasensya kung hindi ako mabilis makalimot sa lahat ng sakit, pag-iisa at rejection na aking naranasan.


Pasensya kung masyado akong naging needy, clingy o mahirap pakisamahan.


Pero sa lahat ng ito, hindi ako nagsisisi na nakilala ko kayo.


Dahil sa inyo, naramdaman ko paano muling magkaroon ng kaibigan.


Paano naging kabahagi sa isang samahan na minsan ko lang mararanasan.


Kahit sa panandalian lamang.



Related Posts

Comments


 Subscribe to future posts

©2019 by Neonsreflection. Proudly created with Wix.com

  • facebook
  • Instagram
bottom of page