top of page

"Quezon" [2025]

  • Writer: NeonLights
    NeonLights
  • Oct 25, 2025
  • 10 min read

Updated: Jan 26

(ang ikatlo at huling pelikula sa Bayaniverse Trilogy)


Film

Jericho Rosales, Mon Confiado, Iain Glen, Cris Villanueva, Romnick Sarmenta,

Arron Villaflor, Karylle

Written by: Jerrold Tarog & Rody Vera

Directed by: Jerrold Tarog

TBA Studios

==========

RATING: ⭐⭐⭐⭐⭐/ 5

==========

🚨SPOILERS AHEAD🚨



BUOD:

Nang subukin ang kanyang pakikibaka para sa kalayaan ng Pilipinas mula sa Estados Unidos, natagpuan ni Manuel L. Quezon ang sarili niyang nakikibahagi sa marahas na laro ng pulitika upang malampasan ang kanyang karibal, kabilang sina Leonard Wood, Sergio Osmeña, at Joven Hernando. Sa kanyang walang tigil na paghahangad ng kapangyarihan, humantong siya sa pakikipagtunggali kay Emilio Aguinaldo sa halalan sa pagkapangulo noong 1935, gamit ang karisma at paboritismo bilang parehong sandata at puhunan sa isang kampanyang tuluyang nagbago sa mukha ng pulitika at kasaysayan ng Pilipinas.



KWENTO:

Kung isasalarawan ko ang buong pelikula ng pinakahuling sultada ng Bayaniverse Trilogy ni Jerrold Tarog, masasabi kong ito ay isang malaking pagtatanghal, isang palabas kung saan hawak ng makapangyarihang tauhan ang bawat pamato, habang ang ibang manlalaro ay masasabing talunan na bago pa lamang sila makatira.


Sa kabuuan ng kuwento at naratibo ng Quezon, malinaw kung paano niya “nilaro” ang bawat tao, sa pamamagitan man ng pagmamanipula, hindi tahasang mapanlaban, o paggamit ng mga huwad na pangako upang makuha lamang ang kaniyang nais.


Napakaepektibo ng paraan ng paglalatag ng direktor sa istorya ni Quezon; hinati niya ito sa magkakahiwalay na kabanata upang mas madaling maunawaan at maproseso ng mga manonood ang ipinapakita sa pelikula. Bukod pa rito, kahit papalit-palit ang daloy ng panahon sa istorya, madali pa rin itong masundan at sabayan.


Bawat karakter ay may kani-kaniyang pagtatampok sa pelikula, kaya masasabi ko ding walang tapon sa kanilang lahat. Bawat isa ay may mahalagang papel na ginampanan. Mayroon ding mga pagbabalik-tanaw sa mga naunang pelikula tulad ng Heneral Luna at Goyo na nagsilbing tulay upang mas tumibay ang pagkakaugnay ng buong trilogy.


Masasabi ko rin na isa sa pinagkaiba ng pelikulang ito sa dalawang nauna ay bagama't hindi ito nagpakita ng labanan kung saan ang gamit ay baril at bala, naging armas naman nila rito ang mga salita at prinsipyo na malinaw na naipakita sa ilang mga eksenang kapwa nakakaaliw ngunit may lalim.


Napahanga rin ako sa kung paano nila isinama ang mga silent films sa pelikula. Ang kahanga-hanga pa rito, ipinakita rin nila na hindi lamang ito basta idinugtong sa kuwento bagkus, naging mahalagang bahagi ito sa kabuuang naratibo.


Sa kabuuan, ang pinakanagbigay-sigla sa akin bilang manonood ay kung paano sila nanatiling consistent sa kabuuan. Mula sa sinematograpiya, mga kasuotan, hanggang sa masusing paglikha ng kapaligiran ng panahong 1920’s–1930’s, lahat ay naging maingat at talagang pinag-isipan. Dahil dito, hindi mo mararamdamang nahihiwalay ka sa panahon nila. Pakiramdam mo, nasa mundo ka pa rin nina Luna at Goyo at sumasabay ka rin sa pagtakbo ng panahon nila.



SIMBOLISMO:

Sa puntong ito, makalipas ang humigit isang linggo mula nang ipalabas ito sa mga sinehan, marahil ay marami na ring napansin sa ang mga manonood na mga simbolismo, mga tanong na iniwan, at mga ideyang nakapagtanto na patuloy nilang pinag-iisipan hinggil sa obrang ito. At iyon naman talaga ang pangunahing layunin ng direktor: ang magmulat, at makapagudyok ng diskusyon.


Sa kabuuan, malinaw na sinasalamin ng Quezon ang kasalukuyang kalagayan ng pulitika sa Pilipinas. Naroon ang mga tanong na tila ipinupukol mismo sa atin bilang mga manonood tulad ng:


  • Ano nga ba para sa atin ang tunay na kahulugan ng pagiging “bayani,” at sa anong lente natin ito sinusukat?


  • Matatawag ba nating bayani ang isang tao kung ang paraan ng pagkamit niya nito ay sa paraang mali o minsan ay hindi makatarungan?


  • Bilang mga mamamayan, hangad natin ang isang malaya at makatarungang lipunan ngunit nauunawaan ba talaga natin ang mga salitang ito? O nakikisabay lamang tayo sa pananaw ng iilan upang masabing kabilang tayo sa karamihan?


  • At ang huli, ang Pilipino nga ba ay tunay na nakakulong sa isang "hawlang ginto" na hahayaang magpagamit sa nakakataas dahil lamang sa pagtanaw ng utang na loob? Hanggang saan ba ito kailangang matapos? O natatapos nga ba talaga ito?


At marami pang iba:


Sana, sa paglabas natin sa sinehan ay hindi lamang doon matapos ang diskusyon at mga katanungan. Sa halip, mas lalo itong maging mitsa sa mas malalim na pagsasaliksik at pakikipagtalastasan.



TAUHAN:

Walang itinapong karakter sa pelikulang ito, bawat isa ay may mahalagang ginampanan sa kabuuang istorya. Lahat ng mga gumanap ay nagpakita ng tamang emosyon at ekspresyong kailangan sa bawat eksena. Hindi ko man maisa-isa ang lahat, nais kong banggitin ang ilan sa mga pagganap na talagang nagmarka sa akin:


Jericho Rosales (Manuel L. Quezon)


Aaminin ko, noong unang ipinakita sa publiko ang mga larawan at trailer ng pelikula, medyo nagduda ako. Nababataan ako kay Jericho bilang Quezon, at may konting pag-aalinlangan din dahil sa kanyang morenong kutis. Pero imbes na husgahan ko agad, hinintay kong mapanood ang pelikula at mabuti na lamang, dahil mas nangibabaw sa akin ang husay na kanyang ipinakita. Bawat kilos, tindig, paraan ng pagsasalita, pati galaw ng mata at labi, ay kahanga-hanga. May mga sandaling tila nakikita ko mismo si Quezon sa kanya, patunay kung gaano niya pinag-aralan at pinaghirapan ang papel na ito. Tunay ngang makikita ang kanyang dedikasyon sa bawat eksena; totoo ngang kapuri-puri.


Karylle Tatlonghari (Doña Aurora Quezon)


Kamangha-mangha rin ang pagganap ni Karylle bilang asawa ng dating pangulo. Bilang Doña Aurora, ipinakita niya ang isang mahinahon ngunit matatag na kabiyak at ina, isang babaeng handang sumuporta hanggang dulo. Bagama’t hindi kalakihan ang kanyang eksena, naging makabuluhan ang bawat paglabas niya. Sang-ayon din ako sa ilang mga puna ng iilan kung saan ay sana’y mas naipakita pa sa pelikula kung sino si Quezon bilang asawa at ama. Magagawa nga ito kung mas nagamit pa ang karakter ni Karylle dito. Ngunit para sa akin, ang aspetong iyon ay hindi naman nakaapekto sa akin ng kabuuang panonood ko.


May isa akong nabasang komento sa social media na kung saan ay si Doña Aurora raw ay sumasalamin sa isang Pilipinong naging bulag-bulagan sa maling ginagawa ng mga taong malapit sa kanya. Sa aking pag-iisip, may punto rin naman siya. Kung babalikan, ni minsan ay hindi nangialam o nagbigay ng matibay na pagsalungat si Doña Aurora sa kanyang asawa kahit na ito ay mayroong masamang epekto sa iba. Ito ba ay dahil sa totong naniniwala siya sa kapasidad nito o hinayaan na lamang niya ang mga nangyayari dahil nga naman sa kultura ng panahong iyon ay wala naman talaga pang boses ang mga kababaihan. Wala man akong matibay na kasagutan pero isang magandang bagay nga iyon na dapat ding mapagisipan.


Romnick Sarmenta (Sergio Osmeña)


Wala nang kailangang patunayan si Romnick pagdating sa husay sa pag-arte. Sa kanyang pagganap bilang Sergio Osmeña, muli niyang ipinamalas ang disiplina at lalim bilang aktor. Mahusay niyang naipakita ang pagkatao ng kanyang karakter mula sa boses, postura, hanggang sa mga maliit na galaw. Hindi mo mararamdaman na siya ay umaarte lamang. Ganun siya kaepektibo para sa akin.


Mon Confiado (Emilio Aguinaldo)


Kung pag-uusapan ang consistency ng pagganap, walang tatalo kay Mon Confiado. Mula pa sa unang pelikula ng Bayaniverse, bitbit na niya ang masusing pagbuo sa karakter ni Aguinaldo. Sa Quezon, mas tumanda, mas mabigat, mas kumplikado na ang kanyang bersyon ng kanyang ginagampanan. Makikita mo sa kilos at pananalita ang paglipas ng panahon, isang tao na patuloy na nagbago, ngunit dala pa rin ang bigat ng nakaraan. Kung kinapootan natin siya sa Heneral Luna, magbabago kaya ang tingin natin sa kanya rito?


Cris Villanueva (Joven Hernando)


Isa sa mga pinakamalinaw na pagbabago ay si Joven Hernando. Ginampanan ni Aaron Villaflor sa mga naunang pelikula, ngayon ay mahusay na hinalilinan ni Cris Villanueva. Si Joven, na kumakatawan sa karaniwang Pilipino, ay muling nagsilbing tagamasid ng bayan. Nakita ko kung paano siya nagbago mula sa idealistikong estudyante patungo sa isang peryodistang mas mulat sa katotohanan. Ang karakter ni Joven ay parang salamin ng ating pagkamamamayan: minsang nadala ng sistema, ngunit marunong matuto at bumangon. Kung dati'y simbolo siya ng kabataang Pilipino, ngayon ay larawan siya ng Pilipinong handang magsalita laban sa takot at maling sistema.


Iba pang pagganap na karapat-dapat purihin:


Therese Malvar (Nadia Hernando) – Parang nakikita ko ang batang Joven sa kanya. Siya kaya ang susunod sa yapak ng kanyang ama?


Iain Glen (Gen. Leonard Wood) – Kalkulado at pulido ang bawat galaw, sakto ang emosyon.


Benjamin Alves (Batang Manuel Quezon) – Makatotohanan at naging epektibo rin naman ang kanyang papel, kahit na hindi ko makonek ang kanyang pisikal na itsura sa matandang Quezon na si Jericho Rosales.


JC Santos (Manuel Roxas) – Nakuha niya ang kilos at ugali ng isang bagitong pulitiko na sunud-sunuran, nangangarap, at may malinis pang hangarin. Mahusay niyang nadala ang karakter kahit kakaunti ang linya, at naging epektibong taga-suporta sa kabuuan ng pelikula.


Jojit Lorenzo (Miguel Laureano) – Naging mentor ni Joven sa pagiging peryodista. Gusto ko yung pagganap ni Jojit dito na kahit 1930's ang panahon na kanyang kinabibilangan, yung paraan niya ng pagbitaw ng mga salita at pagsalungat ay para bang nasa modernong panahon na.


Hindi ko man mabanggit ang lahat dahil sa lawak ng produksyon, masasabi kong lahat ay nag-ambag sa tagumpay at ganda ng pelikula. Isang malaking pagsaludo sa buong cast sa kanilang dedikasyon.



SINEMATOGRAPIYA:

Kahit noong una pa lamang, kapansin-pansin na ang kahusayan ng sinematograpiya sa tatlong pelikula na ito ni Jerrold Tarog. Maliwanag na pinag-aralan at maingat na pinili ng buong produksyon ang bawat detalye upang mas mailapit sa katotohanan ang kabuuang kaanyuan ng pelikula. At kahit karamihan sa mga eksena ay sa loob ginanap, hindi pa rin nagkulang ang buong grupo sa paghahatid ng buhay sa bawat tagpo.


Labis naman akong humanga sa bawat anggulo at galaw ng kamera. Mula sa mga overhead shots, kuhang mula sa pag-pan ng kamera sa ilalim hanggang pataas, hanggang sa mga close-up shots, kapansin-pansin na pinag-planuhan at sinadya ang bawat isa sa mga ito. Kung pagmamasdan nang mabuti, may ilang kuha na malinaw na itinatagong simbolismo, halimbawa nga nito ay ang eksenang may kaugnay sa karakter ni Doña Aurora. Narito ang aking napansin.


Ito ay ang sandaling nangangampanya sa pagkapangulo sina Quezon na nasa Laguna at Aguinaldo na nasa Bulacan. Batay sa peikula nagpakita ang mga sinasabing botante ni Quezon na nakaitim at may dalang malaking tela na nakasulat ang salitang “TRAYDOR.” Sa gitna nito, mapapansin ang ilang close-up shots kay Doña Aurora. Sa puntong ito, ako ay tila napaisip at napatanong na baka may kinalaman siya sa pangyayari. Pinakita man si Ketchup Eusebio bilang Pedro Janolino, na nagsasabing siya ang nag organisa nito pero hindi ko talaga matanggal ang kutob ko na ang lahat ng ito ay iniutos ng asawa ni Quezon.



TEKNIKAL:

Napakahusay din ng mga kasuotan ng bawat artista, masasabi kong akmang-akma sa panahong ipinapakita. Naging metikuloso ang produksyon upang maging mas makatotohanan ang lahat. Ayon nga sa isang panayam kay Jericho Rosales, maging sa maliliit na bagay tulad ng relo, ay pinatanggal nila dahil nga naman hindi ito nababagay sa panahong iyon.


Epektibo rin ang paggamit ng "kulay" sa Quezon. Mula sa mga silent films na ipinakita hanggang sa kasalukuyang timeline, mapapansin ang pagbabago ng kasiglaan ng eksena na naaayon sa kabuuang tema at personalidad ng palabas.


Ilan pa sa halimbawa na aking napansin sa pagiging tapat ng produksyon sa panahong iyon ay ang paninigarilyo ng mga karakter. Sabi ko nga sa sarili ko, tama nga na naisama ang aspetong iyon dahil sa pagkakaalam ko, noong mga 1930's, wala naman pa masyadong pampalipas oras ang mga tao. Wala pa namang mga gadget kaya sa sigarilyo na lang nila ito itinutuon. At wala pa naman masyadong pag-aaral sa mga panahong iyon tungkol sa masamang epekto ng paninigarilyo kaya natuwa lang ako nung napagtanto ko ito.


Sa isang panayam kay Jerrold Tarog, siya mismo ang namahala pagdating sa musika ng pelikulang ito, at masasabi kong matagumpay niya itong naisakatuparan. Lubos akong nadala sa mundo ng kwento, na lalo pang nagpayaman sa aking karanasan bilang manonood. Bilang siya ay nakapagtapos ng Music Composition sa Unibersidad ng Pilipinas, hindi na nakapagtataka ang ganitong antas ng husay. Binanggit pa niya na ang tatlong pelikula ng Bayaniverse ay maituturing niya na parang isang sonata o symphony: nagsimula sa engrandeng pasabog (Heneral Luna), sumunod ang malumanay na himig (Goyo), at nagwakas sa isang makapangyarihang pagtatapos (Quezon). Grabe! Napakatalino ng pagkakaisip niya roon.



KRITISISMO:

Siguro, isang maliit na kritisismo lamang ang maibabahagi ko, na hindi naman nakasira sa kabuuang karanasan ng pelikula, ay ang eksenang nagpaplano si Quezon ng kanyang estratehiya kung paano malinlang si Osmeña. Ito ay yung bahagi kung saan nakatayo si Quezon sa itaas ng balkonahe, na nakatingin sa ibaba. Bagama’t may mga sandaling naka-fast forward ang pelikula upang sundan ang “laro” ni Quezon, kalahati ng eksena ay hindi naman nakatutok sa kanya ang kamera. Hindi ko masyadong maunawaan kung ano ang nais ipahiwatig ng ganitong pagkuha. Sa madaling salita, kung layunin ng eksena na ipakita kung paano "nilalaro" ni Quezon ang kanyang mga karibal, bakit hindi siya ang mismong sentro ng shot?


Kung ang intensyon naman ng produksyon ay sundan ang “daloy” o mensahe ng mga pangyayari, sa aking panonood ay hindi rin ito ganap na naipakita, kaya sandali akong nalito sa eksenang iyon.



ARAL:

Malinaw ang leksyong nais iparating ng Quezon sa mga manonood. Isa itong kwento ng taong may malinis na hangarin na maghatid ng mas maayos na kinabukasan para sa mga Pilipino, ngunit sa kalaunan ay nilamon ng pansariling interes.


Tulad ng sabi ng ilan, kung tutuusin, mabuti naman ang kanyang intensyon para sa bansa. Nais niyang maitatag ang isang lipunang may sariling pagkakakilanlan, at patunay nga diyan ay ang pagkilala sa kanya bilang Ama ng Wikang Pambansa.


Ngunit sa likod ng mga pangarap na iyon, para sa akin, nasilaw siya sa papuri at maagang palakpak ng tao. May layunin siya, ngunit hindi niya lubusang pinag-aralan ang daan patungo roon. Masyado siyang nagmadali at higit sa lahat, ninais niyang maging bida at maging sentro sa lahat ng bagay at magkaroon ng kapangyarihang itinago sa likod ng salitang independensiya.


Kung tutuusin, ang ganitong ugali ay patuloy pa ring buhay sa kasalukuyan. Sa aking sariling pagmamasid, napansin kong mayroon ding mga pulitiko na hinangaan ko noon dahil sa kanilang mga nagawa sa kanilang lungsod o sa paraan ng pakikilahok nila sa mga usaping pambansa. Ngunit makalipas ang ilang panahon, malalaman mo na lamang na lahat ng iyon ay pawang pagbabalat-kayo lamang upang mas lalo silang magkaroon ng kapit sa kapangyarihan at impluwensya sa masa. Isang malaking pagkadismaya at panghihinayang.


Napagtanto ko rin sa pelikula na ito na kahit noon pa man, ang pulitika ay isa nang malaking palabas. Noon pa man ay ginagamit na ng mga pulitiko ang iba't-ibang makinarya upang linlangin o magpabango sa publiko, kabilang na nga rito ang pagpapalabas ng mga materyal na puro papuri, tulad ng mga patalastas sa telebisyon o mga jingle na paulit-ulit nating naririnig sa iba’t ibang plataporma. Parehong inilalaan at ginagastusan ng malaking halaga para lamang magkaroon ng perpektong mga imahe.


Ang mapait na katotohanan nito, patuloy pa ring nahuhulog ang mga Pilipino sa mga ito. Madali pa rin tayong mauto at mabilog ng mga pulitikong ito. Maliban diyan, tayo rin ay lahi ng madaling maaliw. Sabihan lang tayo ng mabulaklak na mga salita, sayawan lang tayo ng ilang nakakatawang hakbang sa entablado, nakukuha nila tayo agad. Masyado ngang pinaglalaruan ang ating mga emosyon ng paulit-ulit. Habang ang emosyon ang nagbubuklod sa atin bilang mga tao, ang reyalidad nito, ito rin ang nagiging kahinaan natin.



PAGWAWAKAS:

Sa huli, para sa akin ay hindi naman pininta ng produksyon bilang isang masamang tao ang dating presidente; ginawa lang siyang tao na nagkamali sa kanyang mga desisyon. Para sa akin, ang pelikulang Quezon ay nagtutulak sa atin na maging mas mapanuri sa mga taong ating tinitingala at hinahangaan. At tulad ng lahat ng mga palabas na ating napapanood, balikan natin ang ating mga sarili at tanungin kung ano nga ba ang ating maaaring baguhin upang maiwasan ang kanyang naging pagkukulang. Ano nga ba ang ating mas maitutulong pa sa bayan?


Tunay ngang ginawa ng pelikulang Quezon ang higit pa sa paglalahad ng kasaysayan, ito ay isang paanyaya sa bawat manonood na pagnilayan ang ating sariling papel sa lipunan, at sikaping ituwid ang mga pagkakamali ng nakaraan para sa mas maayos na kinabukasan.




Comments


 Subscribe to future posts

©2019 by Neonsreflection. Proudly created with Wix.com

  • facebook
  • Instagram
bottom of page