top of page

"Kakabakaba Ka Ba?" [1980]

  • Writer: NeonLights
    NeonLights
  • Jan 26
  • 4 min read

"Ngunit tuloy pa rin ang pagsisikap ko, pagkat balang araw makikinig kayo" - Johnny



Film

Christopher de Leon, Charo Santos-Concio, Jay Ilagan, Sandy Andolong

Written by: Clodualdo Del Mundo Jr., Raquel Villavencio, Mike De Leon

Directed by: Mike De Leon

LVN Pictures, D'Wonder Films

==========

RATING: ⭐⭐⭐ .5 / 5

==========

NO SPOILERS



BUOD:

The film revolves around two couples who find themselves in conflict with the foreign commercial giants that control the Philippine economy, the Japanese and the Chinese.

[Source: IMDB]



KWENTO:

Kaya pala itinuturing ng mga beteranong aktor na isang klasikong pelikula ang Kakabakaba Ka Ba? ni Mike de Leon dahil sa napakahusay ng paglalahad nito. Ngayon lang ako muling tumawa nang ganoon kalakas makalipas ang ilang beses kong panonood ng komedya. Ang mga biro at patawa noong panahon na iyon ay angkop pa rin sa mga manonood hanggang ngayon. Ang daming mga hindi inaasahang mga plot twists kaya masasabing napakatalino talaga ng pagkakasulat nito.


Sa unang bahagi pa lamang, natawa na agad ako. Nagtuloy-tuloy ang ganitong pakiramdam hanggang sa kalagitnaan ng pelikula, ngunit pagdating sa ikatlo at huling bahagi, medyo lumaylay ito nang kaunti para sa akin.


Kung tutuusin, mahaba ang tinakbo ng kuwento. Maraming pinagdaanan ang mga bida at napakaraming dayalogo na akala mo’y lumalayo na sa pinaka-plot ng istorya. Ngunit kung iisipin, ganito naman talaga ang nakagawiang proseso ng mga pelikula noon kaya hindi na rin ako nagulat. Kahit ganoon man, maayos pa rin naman itong naipahayag sa mga manonood. May mga eksenang mas mainam sana kung nabigyan ng mas malinaw na closure, ngunit hindi pa rin ito naging hadlang sa kabuuang halaga ng palabas.



SIMBOLISMO/TEMA:

Ayon sa ilang artikulong aking nabasa, ang pelikulang ito ay isang satire at social commentary tungkol sa paglaganap ng impluwensiya ng mga foreign control sa Pilipinas. Ito ay malinaw kong nakita sa pelikula. Sa tunggalian ng dalawang lahi partikular ang Tsino at Hapon, ang apat na bida ay mistulang batong naipit sa kalagitnaan. Bagay na nararanasan pa rin ng mga Pilipino hanggang ngayon.


Bukod dito, mayroon ding bahagyang pagdaplis ng kritisismo sa simbahan na animo’y mga mabubuti sa panlabas na anyo ngunit mapang-abuso, peke, at nagtatago pala ng masasamang gawain kapag nakatalikod.



TAUHAN:

Gusto kong simulan ang bahaging ito sa pagsasabing, sa kabuuan, napakahusay sa pagpapatawa ang apat na bida:


  • Christopher de Leon bilang Johnny

  • Charo Santos-Concio bilang Melanie

  • Jay Ilagan bilang Nonong

  • Sandy Andolong bilang Nancy


Ang paraan ng kanilang paglahad sa kani-kanilang mga linya at biro ay epektibo. Para sa aking, ang mga patawa ni Johnny ay nagmumula sa kanyang pagiging mausisa. Kahit alam mong siya ang lead star, naging relatable ang kanyang pagganap dahil siya ang isang tipo ng bida na hindi alam ang gagawin


Sa karakter naman ni Melanie, ramdam ang dry humor na istilo ng pagpapatawa. Deadpan ang atake at isa siya sa mga pangunahing rason kung bakit malakas ang aking naging pagtawa.


Si Nonong ay nagningning sa physical comedy, samantalang ang istilo ni Nancy ay ang pagsabay lamang sa daloy ng patawa at pagsuporta sa iba. Gayunpaman, hindi ito naging kabawasan sa kanyang galing; sa halip, mas naging epektibo ang bawat eksena dahil sa kanyang suporta.


Iba pang karakter


Para sa akin, pagdating sa iba pang mga karakter, pinakanagalingan ko kay Boboy Garovillo bilang Omota. Kung ako ang tatanungin, ang karakter na kanyang ginampanan ay kahawig ng mga kontrabida sa pelikulang Home Alone—mga kontrabidang alam mong hindi mo seseryusohin.


Dalawa pa sa mga mahusay na gumanap ay sina Moody Diaz bilang Aling Melody, na talagang bumida sa bawat eksenang kanyang kinabibilangan. Siya ang tipo ng karakter na kapag lumabas sa eksena ay aabangan mo na kung ano ang susunod na patawang gagawin. Ang isa pa ay si Leo Martinez bilang Father Blanco, na hindi ko pa sana mamumukhaan kung hindi pa siya nagsalita.


Sina Armida Siguion-Reyna at Johnny Delgado ay mayroon ding mahahalagang papel sa pelikula, ngunit para sa akin, tila nakulangan pa ako sa mga ipinakita ng kanilang mga karakter.


SINEMATOGRAPIYA:

Uunahan ko na sa pagsasabi na napakaganda ng pagkaka-restore ng pelikulang ito. Napakalinaw ng bawat kulay at kahit lumipas na ang napakaraming taon, buhay na buhay pa rin ang bawat eksena.


Sa paraan naman ng pagkuha, kapansin-pansin ang istilo kung paano ito kinunan. Makikita ito sa mga biglaang camera transitions at biglaang pag-zoom out ng lente sa ilang nakakatawang sandali. Kilala na ang ganitong estilo sa komedya kaya hindi na ito nakakagulat, ngunit gayunpaman, napakaepektibo pa rin ng naging resulta.



TEKNIKAL:

Kapansin-pansin din ang husay ng sound design ng pelikula. Ang mga tunog na reminiscent ng mga silent movies noon ang lalong nagdagdag sa pagiging nakakatawa ng mga eksena.



KRITISISMO:

May mga bahagi sa pelikula na mapapaisip ka kung bakit nangyari ang mga ito dahil imposible ito kung gagamitin ang lohikal na pananaw. Ngunit kung aalalahanin na isa itong comedy satire, madali mo na lamang itong mapapalampas.


May ilang eksena rin na para sa akin ay medyo mabagal ang pag-deliver ng punch line, kaya minsan ay kailangan mo lang talaga ng kaunting pasensya.


Hindi ko rin lubos maintindihan ang kultura o pananaw ng mga gumagawa ng pelikula noong dekada ’70 at ’80 pagdating sa depinisyon ng musical. Nang malaman kong ang Kakabakaba Ka Ba? ay isang comedy-musical, inakala kong mas marami akong maririnig na song numbers, ngunit hindi ito ang nangyari. Hindi naman ito malaking kawalan sa kabuuang kalidad ng pelikula, marahil ay umasa lamang ako sa mas maraming kantahan.


Gaya ng nabanggit ko sa unang bahagi ng blog na ito, medyo lumaylay para sa akin ang ikatlong bahagi. Natagalan lamang ako sa pagkakasunod-sunod ng mga eksena, ngunit ito ay personal ko lamang na opinyon.



PAGWAWAKAS:

Tinawag na klasiko ang pelikulang ito dahil sa bagong panlasang inihain ng produksiyon para sa mga manonood noong panahong iyon. Isa itong napaka-creative na paraan ng paglalahad ng komentaryo sa mga isyung panlipunan nang hindi kinakailangang idaan sa galit o inis. Kaya hindi rin ako magugulat kung maging bahagi ito ng mga leksiyon sa film courses sa mga kolehiyo at unibersidad.


Kaya hangga’t may pagkakataong mapanood ito nang buo at libre sa YouTube, huwag ninyo itong palampasin.






NARITO ANG FULL MOVIE



Comments


 Subscribe to future posts

©2019 by Neonsreflection. Proudly created with Wix.com

  • facebook
  • Instagram
bottom of page